MENU

AAMBAGUIO CITY- Naging matagumpay ang mahigit dalawang buwan na Nutrition-School-on-the-Air (NSOA) sa Rehiyon Kordilyera na ipinatupad ng National Nutrition Council -Cordillera at himpilang Mountain Province Broadcasting Corporation DZWT 540 Radyo Tottoo.

Nagsimula ang programa buwan ng Mayo hanggang kalagitnaan ng buwan ng Hulyo taong kasalukuyan. Ito'y pagkatapos ng isang buwan na pagpapa-tala buwan ng Abril.

Umabot sa 620 mula Rehiyon Kordilyera, Rehiyon Uno at Rehiyon Dos ang mga nag-enrol via SMS sa Kumpletos Rekados Program ng DZWT 540 RADYO TOTOO. Karamihan sa mga nag-enrol ay galing sa Probinsya ng Benguet na 436, sa Nueva Viscaya na 77, Baguio City na 41, La Union na 26, Ifugao na 17, Mt. Province na 9 at ang iba ay mula Probinsya ng Pangasinan, Ilocos Sur at Quirino Province.



Mula sa 620 enrollees, 498 ang aktibong nakisali sa mini-quiz bawat sesyon. 283 ang naka-ipon ng 35 na puntos pababa habang 215 ang naka-ipon ng 36 na puntos pataas. Ayon sa alituntunin ng programa, ang mga nakakuha ng tatlong puntos bawat sesyon ang kasali sa gaganaping mini-graduation.

Ikinagagalak ni Ms. Rita Papey, Regional Nutrition Program Coordinator ng National Nutrition Council-CAR ang malaking bilang ng mga aktibong nakisali sa programa para maipabatid ang mensahe ng 10 Kumainments at iba pang programa ng ahensiya para maiwasan ang problema sa nutrisyon at kalusugan.

Malugod ding ipina-paalam ni Papey na mula sa 498 na active participants, 186 dito ang college level, 218 ang high school level, 49 ay elementary level at 45 ay nakapagtapos ng Tech Voc o Alternative Learning System.

Ang pinaka-batang nag-enrol ngunit hindi niya natapos ang 12 sesyon ay si Ashmere Pongdad na 9 na taong gulang mula Bahong, La Trinidad, Benguet at ang pinaka-matanda na participant ay si Lolita Borja na 71 taong gulang mula Aurora Hill, Baguio City.

Si Belen Caday-as mula Lubo, Kibungan, Benguet ang nakakuha ng pinakamataas na score na 55 mula sa perfect score na 60 points.

Isa pang ikinatutuwa ng ahensiya ay ang akitong pagsali hindi lang ng mga ilaw ng tahanan o mga nanay kundi dahil din katuwang nila ang kanilang mga mister. Dalawang mag-asawa ang kikilalanin sa nalalapit na pagtatapos na sina Ronald at Tersilie Camarao mula Poblacion, Itogon, Benguet at sina Marlou Jr. at Marchia Valdez Litawan mula Pangawan, Kayapa, Nueva Viscaya.

Sa 12 na sesyon, may 36 din na mapalad na nanalo ng tig- Ph60.00 na cellphone load. Tatlong winners bawat sesyon ay ang mga pinaka-mabilis na nagbigay ng kanilang tama at kumpletong sagot.

Ang NSOA Graduation ay gaganapin sa Agusto 5, 2017, ala-una ng hapon sa Hotel Supreme Magsaysay Road, Baguio City kaakibat ang Cordillera Administrative Region Media Educators on Nutrition (CAR-MENU). Rose Malekchan