MENU

Ipinapakita ni NPC Blanco ang mga tamang kagamitan sa pagkuha ng timbang.Ang malnutrisyon ay isang kondisyon na sanhi ng kakulangan, labis o sobra, hindi balanseng kaloriya, at sustansya sa pagkain para magamit ng katawan. Ito ay may dalawang mukha: ang kakulangan sa nutrisyon o undernutrition at ang sobra sa nutrisyon o mas kilala na overnutrition.

Kasama sa karaniwang uri ng undernutrition ay ang kakulangan sa timbang (underweight), pagkabansot (stunted) at pagkapayat (wasted). Ang overnutrition naman ay ang sobra sa timbang (overweight).
Ang problema ng malnutrisyon ay patuloy pa rin na hinaharap hindi lamang sa Rehiyon Uno, sa Pilipinas kundi pati buong mundo. Kung pagbabasehan ang resulta ng 8th National Nuutrition Survey (NNS) ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (FNRI-DOST), ang kalagayang pang-nutrisyon ng mga batang Pilipino na 0-5 taong gulang base sa timbang dito sa Rehiyon Uno ay bahagyang tumaas mula 20.3 porsiyento noong 2008 at 21.4 porsiyento nitong 2013. Ang pagkabansot naman ay halos walang pagbabago mula 27.5 porsiyento noong 2008 at 27.4 porsiyento noong 2013. Samantala tumaas ang porsiyento ng mga payat (wasted) mula 6.5 porsiyento noong 2013, na naging 9.8 porsiyento nitong 2013, gayundin ang sobra sa timbang, mula 3.5 porsiyento noong 2008 hanggang 5.4 nitong 2013.



Parehas din ang takbo dito sa Rehiyon Uno, base sa Operation Timbang Plus (OPT+) na isinasagawa ng mga lokal na pamahalaan tuwing unang kaapat ng taon, bumaba ang bilang ng mga batang kulang sa timbang mula 4.97 porsiyento noong 2011 hanggang 3.36 porsiyento nitong 2015. Gayundin ang bilang ng mga batang payat mula 4.14 porsiyento noong 2014 at 3.45 porsiyento nitong 2015. Malaki naman ang ibinaba ang mga bansot na bata mula 13.16 porsiyento noong 2011 hanggang 9.06 porsiyento nitong 2015. Sa sobrang timbang (overweight) naman bahagyang bumaba mula 1.61 porsiyento ng 2014 at 1.41 porsiyento nitong 2015.

Ang Munisipyo ng Bayambang, Pangasinan ang nangunguna sa Rehiyon Uno sa may pinakamaraming malnutrisyon: 28.87 porsiyento o katumbas ng 4,471 na katao ang bansot, 10.21 porsiyento o 1,243 na bata ang payat at 4.72 porsiyento 0 751 naman sa sobrang timbang. Ang resulta ay nakakabahala at bilang hakbang, nagsagawa ng pangunang pagsubaybay sa pangunguna ni Nutrition Program Coordinator Ma. Eileen B. Blanco noong ika-8 ng Enero sa taong ito sa Bayambang, Pangasinan. Nagkaroon ng pagpupulong sa Municipal Nutrition Action Officer (MNAO) Lourdes P. Pagsolingan, Assistant MNAO Lady Philina B. Duque at Barangay Nutrition Scholar President Roseminda Q. Retuya.

Ayon kay NPC Blanco, tumaas o bumaba man ang porsiyento ng malnutrisyon, ang resulta ng pagsisiyasat ay magandang basehan ng ating gobyerno upang makapagplano ng mga programa na tutugon sa kalagayang pang-nutrisyon ng ating lugar. Tinalakay dito kung ano ang mga susunod na hakbang para malabanan ang patuloy na pagtaas ng malnutrisyon sa lugar. Nakita rin na karamihan sa mga Barangay Nutrition Scholar ay mga bago at hindi pa sapat ang kanilang kaalaman sa pagkuha ng mga datus o timbang. Napagsang-ayunan na magkakaroon ng pagsasanay tungkol sa mga pangunahing gawain ng mga Barangay Nutrition Scholar at isinagawa ito noong nakalipas na linggo, ika-29 ng Enero 2016 na dinaluhan ng mahigit limampu na Barangay Nutrition Scholar. Ipinaabot ang kaalaman sa kahalagahan ng tamang pagkuha ng timbang, tangkad, pagbilang ng edad, pagsuri ng kalagayan ng nutrisyon ng mga bata at pagpunan sa mga ibat-ibang pormas.

Sa kasalukuyan,
target ng rehiyon uno na mapababa ang mga kaso ng malnutrisyon at patuloy na pinagtutuunan ito ng pansin. Hinihimok lahat ang local na gobyerno, pribadong sector at lahat ng lipunan na makiisa sa pagsugpo ng malnutrisyon. (GJN)