MENU

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay isang hakbang ng pambansang pamahalaan para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan. Nagbibigay ito ng kondisyonal na tulong-pinansiyal para sa pinakamahihirap na Pilipino upang pabutihin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang.Ano po ang inyong kaalaman kung bakit sa palagay niyo ay isa kayo sa mga benepisyaryo ng 4Ps? Ito ang isa sa mga katanungan sa pakikipagpanayam namin sa mga nakakatanggap ngayon ng programa.

Ayon sa DSWD, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay isang hakbang ng pambansang pamahalaan para sa pagpapabuti ng kalagayang pantao ng ating mga kababayan. Nagbibigay ito ng kondisyonal na tulong-pinansiyal para sa pinakamahihirap na Pilipino upang pabutihin ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang.

Noong ika-31 ng Agosto hanggang Setyembro 1, 2016, sa pangunguna ng DSWD FOI, kasama ang NNC ROI, PhilHealth ROI, PopCom ROI at DILG ROI sa pag-iikot at pagmonitor ng mga benepisyaryo upang matukoy at matugunan ang mga rason sa mga hindi nila pagsunod sa kondisyon ng pagiging miyembro ng 4Ps sa mga bayan ng Tagudin at Alilem, Ilocos Sur.


“Ang alam ko po ay dahil mahirap lang po kami…”, sagot ni Nanay Aurelia na hindi na kaiba sa mga sagot ng ilang benepisyaryo.

Si nanay Aurelia T. Leal ay masayahin, maaruga sa pamilya, responsableng ina, asawa at lola, naninirahan sa Barangay Dalawa, bayan ng Alilem sa probinsiya ng Ilocos Sur. Upang marating ang bayang ito, matatarik na liko-likong daan ang kinakailangang tahakin. Kung hindi kakayanin ng sasakyan, maaaring dumausdos ito pababa at mahulog sa bangin o sa malawak na ilog ng Amburayan.

Sa aming panayam kay Nanay Aurelia, makikitaan mo ng interes na gusto niyang makipag-usap. Hindi mo aakalain na siya ay may pinagdaanang sakit sa pag-iisip na siyang nagbunga sa hirap niyang makaintindi at makadinig ng mga salita. Sa aming pag-uusap na tumagal ng mahigit isang oras, nalaman ko na ang kanyang nakukuhang tulong-pinansiyal sa pagiging miyembro ng 4Ps ay pilit niyang pinagkakasya sa kanilang gastusin mula sa pagkain, pambaon, medisina at pampersonal na pangangailangan. Kabilang din sa aking nalikom na impormasyon ay siya ay aktibong dumadalo sa mga Family Development Sessions na pinapangasiwahan ng local na gobyerno upang maturuan at mabigyan sila ng impormasyon sa maraming aspeto kabilang na ang wastong nutrisyon at tamang kalusugan.

Malaking bagay na hindi naapektuhan ang kalusugan ni nanay sa kanyang nakaraang sakit sa pag-iisip. Sa ngayon, siya ay malayang nakakakilos, nakakatapos ng mga gawaing bahay at nakakapag-hanap buhay para sa kanyang apo na pumapasok sa eskwela bilang grade 7.

Ano po ang masasabi niyo tungkol sa programa?

“Wala po akong mairereklamo sa programa. Kundi malaki ang pasasalamat ko na kami ay napabilang dito. Marami rin akong natutunan lalong lalo na sa pag-aalaga ng aking kalusugan…”, wika ni Nanay Aurelia.

Sa mga katulad ni Nanay Aurelia na kasapi sa 4Ps, naway inyong gamitin ang programa para sa unti-unting pag-angat ng estado sa buhay. Na ang gobyerno ay patuloy na gumagawa ng hakbang at programa upang matulungan ang bawat isa. Na ang pagiging mahirap ay hindi hadlang upang mapabuti ang ating buhay lalo na ang kondisyong pangnutrisyon at pangkalusugan. Bagkus, sana’y magsilbing rason upang maisaayos at maialpas sa kahirapan tungo sa maalwang pamumuhay. MGSC