MENU

IMG 8397“Ang kalusugan ay kayamanan”, wika nga ng popular na kasabihan na nagbubuod sa kahalagahan ng tamang kalusugan at ang tamang nutrisyon ang siyang pundasyon ng kalusugan. Ngunit ano nga ba ang bumubuo sa kalusugan ni Juan at Juana?

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang kalusugan o health sa wikang ingles ay "state of complete physical, mental, and social well-being, and not merely the absence of disease or infirmity."

Ngayong buwan ng Marso, sa buwan ng kababaihan, sama-sama nating pagnilay-nilayan ang mga dimensiyon at bumubuo sa ating kalusugan. Mula pa noong elementarya maging sa mga babasahin, ipinahiwatig na sa atin na ang mga dimensiyon ng ating kalusugan ay pisikal, mental o intelektuwal, emosyonal, sosyal, environmental at espiritwal. Sa lahat ng nabanggit, bigyang-pansin natin ang pisikal na siyang may napakalawak na sakop kung kaya’t ito ay itinuturing na pinakakritikal sa ating kalusugan.



Ang pisikal na kalusugan ang unang naoobserbahan at nakikita ng karamihan. Dito naaangkop ang ehersisyo, tamang pagkain at diyeta, pag-inom ng niresetang gamot, pangangalaga sa sarili at ang pagkakaroon ng sapat na pahinga.

Kaya’t mga Juan at Juana, pakatandaan:

  •  “Healthy diet, gawing habit – FOR LIFE!” ang tema ng Buwan ng Nutrisyon ngayong taong 2017. Mahalagang gamiting basehan ang Pinggang Pinoy sa pagpaplano ng pagkain. Ipinapakita nito ang tamang sukat at dami, at kabuuan ng ating plato sa bawat kainan. Ugaliing kumain ng gulay at prutas para sa malakas na resistensiya ng katawan. Uminom ng maraming tubig, walong baso o higit pa kung kinakailangan. At sundin ang 10 Kumainments para sa sigla at lakas ng buhay.
  • Nirerekomendang mag-ehersisyo na umaabot sa  trenta (30) minutos o higit pa araw-araw. Maging aktibo at kamtin ang wastong timbang upang makaiwas sa mga sakit sa puso, diabetes at iba pang lifestyle diseases.
  • Gawing regular ang pagpapacheck-up. Iwasan ang pag-inom ng mga gamot na hindi inireseta ng Doktor. Limitahan din ang pag-inom ng alak at iba pang nakakalasing na inumin.
  • Kaakibat ng tamang pagkain, ehersisyo at check-up ay ang pagkakaroon ng sapat na tulog at pahinga. Ang pagkamit ng sapat na tulog at pahinga na umaabot sa pitong oras o higit pa ay nakakatulong na maging produktibo sa trabaho o sa paaralan, makakaiwas sa sobrang timbang at sakit na diabetes, at pagkakaroon ng maganda at positibong kalooban at pananaw sa buhay. Sa kabilang banda, ang taong kulang sa tulog at pahinga ay bugnutin, mahirap magpokus sa trabaho at paaralan, mababa ang resistensiya sa sakit at may malaki ang posibilidad ng pagdagdag ng sobrang timbang.

Sa katunayan, hindi sapat na wala kang sakit upang masabing ika’y malusog. Ang kalusugan ay tuloy-tuloy na pangangalaga at pagmintina ng tamang kondisyon ng katawan at nagsisimula ito sa tamang nutrisyon sa pamilya. Muli, ang kalusugan ay higit pa sa kayamanan na hindi matatawaran ng kahit ano pa man. (MGSC)