MENU

hydration3Nararamdaman nyo na ba ang init ng panahon? Ito na naman ang panahon na kung saan kahit nakaupo lang tayo ay pinagpapawisan tayo. Ito ang panahon ng summer o tag-init. Kasabay nito ay panahon din ito ng bakasyon kung kailan gustong-gusto nating mamasyal kasama ang ating pamilya sa iba’t ibang lugar lalung-lalo na sa mga resorts at beaches.

Ayon sa PAGASA ay umaabot na ang init factor ng 39-42̊C dito sa Pilipinas. Dahil sa init ng panahon ay marami din panganib na nakaabang sa atin. Isa na dito ay ang heat stroke. Ang heat stroke ay isang karamdaman kung saan lubhang tumataas ang temperatura ng katawan na hindi napapawi ng pagpapawis dahil sa dehydration. Ang mahabang pagkababad sa matinding init at labis na aktibidad ay maaaring maging sanhi ng heat cramps at heat exhaustion na maaaring mag-resulta sa heat stroke. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pagkahilo at pagsusuka, pagkawala ng malay, pananakit ng ulo, panghihina, pagkabalisa, malamig na pawis sa kabila ng mainit na panahon, pamimintig ng mga kalamnan, mabilis na pagtibok ng puso, kapos na paghinga, pamumula at paghapdi ng balat, pagkatuyo ng dila at pagtaas ng temperatura ng katawan mula 41°C pataas.

Para maiwasan ito ay kinakailangan natin ang pag-inom ng 8 hanggang 12 baso ng tubig araw-araw, iwasan ang pag-inom ng tsaa, kape, softdrinks at alak, magsuot ng sombrero o gumamit ng payong tuwing lalabas ng bahay, bawasan ang oras ng paglabas o limitihan

ang pagbibilad sa araw, gawin ang mabibigat na gawain sa umaga o sa hapon kung kailan hindi na masyadong mainit at makakatulong din ang pagsusuout ng maluluwag, maninipis at bright colored na damit na gawa sa light materials at iwasan ang mga dark colored na damit na nakakaabsorb ng init. Makakatulong din ang pagkain ng mga prutas at gulay para tayo ay mahydrate.

Kung sakaling makakaranas ng heat stroke maaring gawin ang mga sumusunod. Una, ihiga ang pasyente sa malilim na lugar. Mainam na itapat sa bentilador. Bawasan o hubaran ng damit para makatulong sa pagpapababa ng temperatura ng katawan. Maaring ding lagyan ng cold compress sa may kili-kili, leeg at pulso. Kung may malay ang pasyente ay maaaring painom din siya ng tubig. Dalhin siya sa pinakamalapit na ospital para masiguro ang kanyang kaligtasan.

Masarap mag-enjoy tuwing summer pero kailangan nating tandaan ang kaligtasan ng ating sarili at ng mga mahal natin sa buhay sa panganib na dulot ng tag-init. CPF (Source: DOH)