Ang buwan ng Agosto ay idineklarang National Breastfeeding Awareness Month sa ilalim ng Republic Act 10028 o ang “Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009”. Ang tema ngayong taon ay “I-BIDA ang pagpapasuso tungo sa wais at malusog na pamayanan!” Ito ay naglalayon na magkaroon ng kaalaman ang bawat isa sa kahalagahan ng pagpapasuso.
Ngunit ngayong panahon ng pandemya ng COVID-19 ay marami ng naapektuhan. Kasama na dito ang mga sanggol o mga bata, mga buntis, nagpapasuso at mga matatanda na kabilang sa tinatawag na nutritionally vulnerable groups.
Dahil sa banta ng sakit na COVID-19, marami ang nagtatanong “Pwede bang magpasuso ang isang ina kung siya ay isang suspected o positive sa COVID-19?”
Ayon sa WHO (World Health Organization), wala pang pag-aaral na magpapatunay na ang COVID-19 ay maisasalin sa pamamagitan ng pagpapasuso. Kaya hinihikayat ang mga nanay na may sanggol na patuloy na magpasuso sa gitna ng pandemya alinsunod sa itinakdang alituntunin sa pag-iingat o ang Minimum Health Standards. Isa na dito ay ang pagsusuot ng mask ng ina habang nagpapasuso. Kinakailangan din ang palagiang paghuhugas ng kamay lalo na bago hawakan ang sanggol. Inirerekomenda din ang paggamit ng tisyu kung uubo at ang pagtatapon agad nito sa tamang lalagyan. Kung sakali naman na ang ina ay magkaroon ng malubhang sintomas at kinakailangan na dalhin sa health facility, maaari pa din nyang ipagpatuloy ang pagbibigay ng gatas sa kanyang sanggol sa pamamagitan ng pag-hand express ng kanyang gatas. Maaari din magkaroon ng donasyon ng breastmilk mula sa ibang nagpapasusong ina o kung mayroong Human Milk Bank sa lugar. Kung nagpapasuso ay pinapayuhan din ang pagdistansya sa ibang tao.
Ayon naman sa DOH (Department of Health) mas maraming benepisyo ang maibibigay ng pagpapasuso sa isang sanggol at sa kanyang ina kaysa sa panganib na maaaring idulot. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Binibigay ang lahat ng sustansiyang kailangan ng sanggol sa unang 6 na buwan at sa tuloy-tuloy na pagpapasuso, kasabay ng tamang pagpapakain mula sa 6 na buwan.
- Ang unang gatas o colostrum ng ina ay naglalaman ng antibodies para patibayin ang immune system ni baby, upang makaiwas sa sakit tulad ng pulmonya at pagtatae.
- Tumutulong ang gatas ng ina sa pagpapatalas ng isip at pag-unlad ng utak ng sanggol lalo na sa unang 2 taon ng bata.
- Pinatitibay ng pagpapasuso ang ugnayan ng ina at sanggol.
- Binabawasan ang posibilidad na magkaroon ng ovarian at breast cancer ang ina.
- Tumutulong dinang pagpapasuso sa pagbalik ng timbang ng isang babae bago siya nagbuntis upang makaiwas sa diabetes at obesity.
Kaya ipagpatuloy ang pagpapasuso kahit sa panahon ng pandemya at kalamidad dahil wala ng hihigit pa sa gatas ng ina. /CPF