BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Dalawang Asin Law billboards ang ipapatayo sa lalawigan bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan upang pigilan ang pagpasok ng mga non-iodized na asin sa lalawigan at sa buong lambak ng Cagayan. Ayon kay Rhodora Maestre, regional nutrition program coordinator ng Cagayan Valley, ang dalawang billboards ay ilalagay sa bayan ng Kayapa at Sta. Fe kung saan may mga naipatayong checkpoints upang pigilan ang pagpasok ng mga asin na walang wasto at sapat na iodine content sa mga pamilihan.
Nagbigay din ng mga nutrition program tarpaulin ang National Nutrition Council(NNC) para sa mga iba’t ibang bayan ng Nueva Vizcaya upang mapaigting ang pagpapatupad ng tama at wastong nutrisyon sa mga barangay. Nasa lalawigan si Maestre nuong Oktubre 9 upang dumalo sa Provincial Nutrition Awarding Program ng provincial government sa Ammungan Hall sa bayang ito.
Dalawang Iodine Checkers din ang ibinigay ng NNC sa tulong ng GAIN Philippines sa dalawang bayan upang magamit sa mga checkpoint kung saan sinisiyasat ang mga papasok na suplay ng asin sa lalawigan at sa rehiyon. “Ito ay bahagi ng ating malawakang kampanya upang labanan ang malnutrisyon sa Nueva Vizcaya at rehiyon dos. Malaki ang bahagi ng lalawigan sa pangrehiyong kampanya hinggil sa nutrition program dahil ito ang unang pasukan ng mga negosyante papasok sa lambak ng Cagayan,” dagdag ni Maestre.
Sa nasabing programa, binigyan ng papuri at premyong salapi ang mga outstanding nutrition worker, local government unit, barangay nutrition committee, nutrition scholar at mga kaalyadong grupo at ahensiya ng Provincial Nutrition Council(PNC) dahil sa mahusay at aktibong suporta ng mga ito sa nutrition program ng pamahalaan.