MENU

136678981 225601049036394 8491221783255137215 n

PEñABLANCA, Cagayan, Jan. 18 (PIA) - - Puno ng galak at sigla si Lola Catalina Auayang-Sibbaluca o mas kilala sa tawag na Nana Aling sa pagdiriwang ng kaniyang ika isang daan at tatlong taong kaarawan.

Ipinanganak si Nana Aling noong January 8, 1918 sa lungsod ng Tuguegarao. Naninirahan siya sa barangay Lapi ngayon kung taga saan ang kanyang napangasawa.

Bagamat malabo na ang paningin, mahina na ang pandinig at inaakay na lamang si Nana Aling, malakas pa rin ang kanyang pakiramdam at matalas pa rin ang kanyang memorya.

Naniniwala ang kaniyang mga kapamilya na nasa kaniyang kinakain na pawang mga sariwang gulay na matatagpuan lamang sa kanilang mga bakuran, at walang masyadong mga pampalasa ang nagbibigay sa kaniya ng mahabang buhay.

Pagsasaka lamang din umano ang pinagkaabalahan ng matanda noong malakas pa siya.

Aniya tatagal pa siya sa mundong ibabaw dahil nang pinabasa umano niya ang kaniyang palad ay sinabi ng manghuhula na tatagal pa siya ng hanggang dalawang daang taon.

"Awan ta niyan pe naningan cho palag ku nga alakang ku kanu dos siyentos kang dahun. anniko makuwa tera nu yan neddan ya afu, awan na mawayya nu. Mappasiyensiya laman ya manangngal niyakan nin. (May nagbasa ng palad ko noon na sinabing aabot ako sa dalawang daang taon. wala tayong magawa kung iyon ang ibinigay ng Diyos, kaya pasiyensiya n alang ang mga umaasikaso sa akin)," pahayag ng matanda.

Kuwento pa ni Nana Aling, may lahi silang mahahaba ang buhay dahil ang panganay nilang kapatid na ay umabot din ng 102 taon.

Kung may isang bagay na hindi pa rin nakakaligtaang gawin ng Lola, ito ay ang pagdarasal araw-araw. Katunayan, alam daw niya ang pinagdadaanan ng buong mundo ngayon sa COVID-19 at lagi niyang ipinagdarsal na malampasan na ito ng bansa.

Ayon naman sa DSWD, si Nana Aling na ang pinakamatandang centenarian sa buong rehiyon dos.

Inihayag ni Fernando Bainto ng DSWD region 2, may 75 na mga centenarian ang nabigyan na ng tig-isang daang libong piso sa buong rehiyon nitong nakaraang taon bilang pagtalima na rin sa centenarian law. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)