Buwan na naman ng Marso, isang mahalagang panahon para sa ating mga kababaihan lalo na ang mga nasa pamamahala at nangangalaga nang kapakanan ng mga bata at pamilya sa ating komunidad at bansa.
Ating alamin, ano nga ba ang magagawa ng mga kababaihan sa kanilang lugar na nasasakupan? Paano magiging isang kapakipakinabang na gawain ang isang sinumpaang tungkulin? Kamakailan lamang ay nagkaroon ng pagasasanay ang isang grupo ng mga kababaihan sa bayan ng Casiguran, Aurora. Ito ay naganap noong ika-27 at 28 ng Pebrero 2019 sa Session Hall ng Sangguniang Bayan ng Casiguran. Sila ay ang labingpito (17) na mapapalad at ika nga ay “the chosen few”, ang mga kababaihang tinaguriang Health and Nutrition Workers: Barangay Nutrition Scholars (BNSs), Barangay Health Workers (BHWs) at Rural health Midwives (RHMs). Sila ang mga representative ng limang (5) “sentinel barangays” sa ilalim ng proyekto ng National Nutrition Council na “Local Nutrition Early Warning System” o LNEWS.
Naging matagumpay ang pagsasanay na tumagal ng dalawang araw ngunit lubos namang pinasasalamatan ng lahat ng naturang kalahok na mga BNS, BHW at RHM na gagampananan ang isang mahalaga at napapanahong tungkulin upang lalo pang matulungan ang kanilang mga ka-barangay o ka-nayon sa limang (5) pilot barangays sa bayan ng Casiguran, tulad ng Barangay Bianoan, Barangay Calantas, Barangay Dibet, Barangay Esteves at Barangay Lual. Ang lalong nagpaigting ng kanilang kagustuhang matulungan ang kanilang mga kabarangay ay ang kanilang karanasan sa pagsasagawa ng “field practicum” sa Barangay Calantas kung saan kanilang isinagawa ang aktwal na pagtitimbang at pagkuha ng taas at sukat ng mga batang edad 0 hanggang 59 na buwan pa lamang na kung saan napag-alaman nila ang kalalagayang pangnutrisyon ng 15 bata na kanilang naging target. Ayon sa kanila, naging dagdag kaalaman din sa kanila ang pagkakaroon ng pagkakataong makapanayam ang mga ina ng tahanan sa ginawa nilang interview sa bawat pamamamahay na kanilang binisita sa panahon ng field practicum. Dahil dito, ang bawat isang kalahok ay nagbigay ng kanyang kusang-loob na suporta at pagsasabalikat (commitment) ng proyektong LNEWS sa kanilang barangay simula sa Marso 2019 na naglalayong malaman at matugunan ang kalalagayang pangkabuhayan at nutrisyon ng labinsiyam (19) na households sa limang “sentinel barangays” sa bayan ng Casiguran, Aurora tuwing ikatlong buwan ng taon (quarterly).
Kaakibat ng Municipal NEWS Team ng Casiguran, sa pangunguna ng butihing Punongbayan at Chairman ng Municipal Nutrition Committee (MNC), ang Iginagalang Ricardo Bitong na nagbigay ng mainit at masiglang pagtanggap sa proyektong ito ng National Nutrition Council. Binigyang diin din ni Punong Bayan Bitong ang todong suporta at pagpapahalaga sa programang pangnutrisyon ng Casiguran sa pamamagitan ng paglalaan ng kaukulang pondo. Isa ring maituturing na moog ng mga kababaihan, ang kanilang masipag na Municipal Nutrition Action Officer na si Gng. Marissa Orcullo, sa pahintulot ng kanilang Municipal Health Officer, Dr. Meril Danay na patuloy na nagpapahalaga sa health and nutrition programs na kumakatawan sa MNC.
Ipinapakita sa atin ng ganitong pagkilos ang isang dakilang layunin na nagiging makatotohanan lalo na kung ating pagkakatiwaalan ang mga kababaihan na gawin ang mga bagay na patungo sa pag-unlad ng bawat pamilya sa ating mga barangay o komunidad. Ito ay magiging posible dahil pag-engganyo natin na makilahok sila bilang miyembro ng komunidad at sa huli ay maging lider o punong-tagapagpaganap sa pagiging maalam at aktibong pagganap. (AMPasos)