MENU

AMBRPIA-Region III (CLJD/MJSC)-Nanawagan ang National Nutrition Council (NNC) - Gitnang Luzon na panatilihin ng publiko ang malusog na pangangatawan sa pamamagitan ng pagkain ng masustansyang pagkain at pagiging aktibo.

Ayon kay NNC-Region III Regional Nutrition Program Coordinator (RNPC) Ana Maria Rosaldo, layunin ng temang “Kumain nang Wasto at Maging Aktibo… Push Natin ‘to!” na paalalahanan ang publiko tungkol sa kahalagahan ng pagkain nang tama at pag-ehersisyo.

Aniya, bukod sa wastong nutrisyon at aktibong pag-uugali, napakahalaga ng ikatlong pariralang ‘push natin to!’ dahil kailangan ang tamang disiplina sa pagpapanatili ng unang dalawang pag-uugali.

Batay sa 2018 National Nutrition Survey ng Food and Nutrition Research Institute o FNRI, anim na porsiyento ang kaso ng la bis na timbang at labis na katabaan sa rehiyon at isa ito sa pinakamataas sa buong bansa. 

Dagdag pa ni RNPC Rosaldo, batay sa resulta ng 'Operation Timbang' na isinasagawa sa mga barangay, ang Malolos City ang may pinakamaraming kaso ng sobra sa timbang sa Gitnang Luzon. 

Ayon sa opisyal ng NNC-Region III, maituturing itong "public health concern" dahil sa mga sakit na may kaugnayan dito tulad ng alta-presyon, diabetes, sakit sa puso at kanser. 



Dahil dito, pinaalalahanan ni RNPC Rosaldo ang publiko na kumain ng tamang uri at tamang dami ng pagkain alinsunod sa Pinggang Pinoy at 10 Kumainments.

Bukod dito, layunin din ng nasabing pagdiriwang na hikayatin ang mga nasa industriya ng pagkain kabilang ang mga magsasaka, manufacturer, distributorat mga establisimyento na gumawa at maghain ng malulusog na opsyon ng pagkain. 

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon tuwing Hulyo ay alinsunod sa Presidential Decree 491 na layuning magkarooon ng higit na kamalayan sa kahalagahan ng nutrisyon ang mga Pilipino.