Ang Municipal Nutrition Committee ng Talavera sa pangunguna ni Mayor Nerivi Santos-Martinez ay namahagi ng masustansyang tinapay na NUTRIBUN sa panahon ng pandemya na COVID-19 bilang suplemento sa mga batang may edad na 12-59 na buwan, mga buntis, senior citizen, nagpapasusong ina at mga mahihirap na talagang naapektuhan ng pandemya.
Ang Bakery ng Bayan ang nangangasiwang gumawa ng mga masusustansyang tinapay na ipinamahagi sa panahon ng Community Quarantine. Nine thousand five-hundred seventy-four (9,574) packs ang naibahagi sa 53 barangay ng Talavera. At kabilang rito ang 497 na mga batang may mababang timbang at mga batang nasa borderline, 569 na mga buntis, 1,023 na nagpapasusong ina, 2,325 na senior citizen at 5,160 na pamilyang kabilang sa mga mahihirap na talagang naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine.
Dahil na rin sa kagustuhan ni Mayor Martinez na sa mga susunod na panahon ay wala nang maitatalang mga batang may mababang timbang, at mga buntis na nanganganak na kulang sa buwan. Kaya’t patuloy ang pag-iisip ni Mayor Martinez ng mga proyektong talagang kapaki-pakinabang at makatutulong sa mga mamamayan ng Talavera.
Ipinagkatiwala ang pamamahala ng pagbibigay ng masustansyang NUTRIBUN sa bayan ng Talavera kay Arjhay P. Bernardo, pambayang tagapangasiwa sa nutrisyon, kung saan ang kasama sa kanilang operasyon ang pagpapatakbo ng Bakery ng Bayan. Ayon pa kay Bernardo, siniguro nyang sa mga benepisyaryo talaga mapupunta ang mga masusustansyang tinapay upang maiwasan ang pagtaas ng bilang ng mga batang may mababang timbang, makatulong na may panlaban sa pandemya ang mga senior citizen dahil gawa ito sa malunggay at masigurado na may magandang nutrisyon pa rin ang mga buntis at nagpapasusong ina sa gitna ng pandemya.
Dagdag dito ang taos pusong pasasalamat ni Mayor Nerivi sa mga nagmagandang loob na tumulong sa Bakery ng Bayan partikular sa pamilya ni Gng. San Pedro na nagbigay ng mga itlog upang mas madaming tinapay ang maibahagi sa ating mga kababayan.
Bilang pagkalinga sa mga mas nangangailangan nating mga kasama, ang karagdagang tulong sa pagpapamigay ng masustansiyang nutribun ay para mapanatili ang kanilang tamang kalusugan sa gitna ng krisis na dala ng COVID19.
May akda: MNAO Arjhay Bernando - Talavera, Nueva Ecija
Malunggay at Kalabasa Nutribun Ipinamahagi sa Panahon ng Pandemyang COVID- 19
- Details
- Category: Region 3