Bilang tulong sa mga batang mababa ang timbang at mga buntis, ang Municipal Nutrition Committee sa pamumuno ni Mayor Nerivi Santos-Martinez ay namahagi ng Nutrisiyo’y Siguradong Matatamasa (NSM) VegIepack sa 53 barangay bilang suporta sa kinahaharap na pandemya sa Bayan ng Talavera. Sa kabuuang 1,066 na benepisyaryo ng programang VegIepack, nakinabang ang 497 na batang may mababang timbang kasama ang mga batang malapit nang bumaba ang timbang at 569 na mga buntis.
Ang VegIepack ay naglalaman ng manok, sitaw, patola, kalabasa, upo, kamatis, iodized salt at mga bitamina tulad ng ascorbic acid, ready to use therapeutic food (RUTF) at micronutrient powder para sa mga batang may mababang timbang; at para naman sa mga buntis nabigyan sila ng ready to use supplementary food (RUSF), ferrous sulfate at iron folic acid.
Layunin ng programa na maiwasang lumala ang kondisyon ng mga batang may mababang timbang at magkaroon ng magandang nutrisyon ang mga buntis sa kabila ng kinakaharap na suliranin sa bayan dala ng pandemya.
Gayundin, natulungan ng Municipal Nutrition Committee ang mga magsasaka sapagkat ang mga ani nitong gulay ang siyang binili upang matulungan sila sa kabila ng enhanced community quarantine (ECQ). Malaki rin ang naging parte ng programang gulayan sa barangay at bakuran sapagkat ang iba nitong ani ay naging bahagi ng programa.
Kasama ni Mayor Nerivi Santos-Martinez si Arjhay P. Bernardo, ang Pambayang Tagapangasiwa sa Nutrisyon, sa pamamahagi ng NSM VegIepack. Layon din nito na mabisita at mabigyan ng kamalayan sa tamang nutrisyon ang mga bata at buntis sa panahon ng pandemya. Katuwang din ang mga tauhan sa tanggapan ng nutrisyon, Barangay Nutrition Scholars at Barangay Health Workers sa pamamahagi ng NSM VegIepack.
Sa kabila ng suliranin na kinakaharap ng ating bansa, marami pa rin ang nagpaabot ng kanilang tulong kaya naging matagumpay at maganda ang kinalabasan ng programa. Higit sa lahat, naipakita rito ang kahalagahan ng pagtatanim sa mga bakuran at barangay na mismong layunin ng programa upang ang bawat pamilya sa ating bayan ay may maihahaing pagkain sa bawat hapag.
NSM Vegie Pack, ipinamahagi sa mga bata at buntis!
- Details
- Category: Region 3