MENU

meyc
Taong 2017 nang opisyal na magsimula ang konsepto ng Gulayan sa Barangay sa Lungsod ng Meycauayan, bagamat noon pa man ay nagpapamahagi na ng buto ng gulay at iba pang pananim  ang Konseho sa Nutrisyon sa pamamagitan ng Agriculture Department sa mga residente ng ibat ibang barangay. Bago idaos ang pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon noong Hulyo 2017, nagpulong ang Konseho at isa sa tinalakay at pinagkasunduang gawin ay isabay sa mga panapos na gawain ng buwan ng nutrisyon ang pamamahagi ng buto sa mga miyembro ng Barangay Nutrition Committee at gawin itong maliit na panghikayat kung saan ang mga lalahok o makikiisang barangay ay gagawaran ng katibayan ng pagkilala sa pagtatapos ng taon.

Maganda ang naging tugon ng mga barangay, lahat ay nakiisa. May ilang barangay na hindi lamang nila ipinamigay ang mga buto sa mga residente upang itanim kundi maging ang mga opisyal ng barangay ay nagtanim ng gulay sa mga lupang sakop ng kanilang barangay. Ginawaran ng pagkilala ang mga barangay na lubos na nakiisa sa gawain. Dahil sa tagumpay na nakamit ng gawain, nang sumunod na taon - 2018, sa pagpupulong ng tanggapan ng nutrisyon kasama ang mga BNS ay binalangkas ang patimpalak na mag kaugnayan sa naunang konsepto ng gulayan. Ipinasa ito sa konseho sa nutrisyon at sinang ayunan naman ng lahat sa pangunguna ng noon ay Punong Lungsod Henry Villarica, pinamagatan ang proyekto na “GULAYANG SULIT, GAWING HABIT, FOR LIFE” kung saan ang mismong mga miyembro na ng Barangay Nutrition Committee at mga Barangay Officials ang siyang magiging kalahok, bagaman at patuloy pa rin ang pamamahagi ng mga buto ng pananim sa mga residente. 

Sa patakaran ng patimpalak, ang barangay ay maghahanap ng isang bahagi sa kanilang barangay hall o saan mang lupang pag aari ng barangay at duon sila magtatanim. Tanging ang mga miyembro lamang ng Nutrition Committee (yung nakatala sa nilagdaang Nutrition Committee ng Barangay na ipinasa sa tanggapan) at Barangay Officials ang magtatanim at mamamahala dito. Hindi maaaring umimporta ng mga propesyonal na manananim subalit maaaring humingi ng payo sa mga Agricultural Technicians ng pamahalaan. Ipamamahagi ang mga buto ng pananim sa buwan ng Hulyo kaugnay ng Pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon at tatagal ang paligsahan hanggang Disyembre kung kailan ang awarding ay magaganap. Ang mga inampalan ay kukunin ng tig iisa mula sa mga departamento at civil society group na miyembro ng Nutrition Council kasama ang Opisina ng ni Vice Mayor Jojie Violago at dalawang konsehal ng lungsod,  Cathy Abacan at Atty. Lara Abracero na kapwa miyembro ng Nutrition Council

Sa pagitan ng mga buwan ay magkakaroon ng pagtatasa sa lahat ng barangay na kalahok. Iikot ang mga itinalagang inampalanupang kuhanin ang top seven sang ayon sa criteria na itinakda para sa patimpalak. Pagkaraang mapili ang top seven ay iuulat ito sa punong lungsod na chairperson ng Nutrition Council at siya naman ang magtatakda ng kanyang pag bisita sa mga gulayan ng pitong nahirang na barangay, kasama ang mga inampalan. Sa huling pagtatasa - dito na pipiliin kung sino ang magkakamit ng una, pangalawa at pangatlong gantimpala. Naglaan din ng cash na papremyo sa mga magwawagi. Lahat ng plano ay nasunod at matagumpay na naisakatuparan.

Nang sumunod na taon - 2019 ay nabago ng administrasyon. Nagpalit ng pwesto ang mag asawang Villarica kayat ang mayor na ay si Mayor Linabelle Villarica na dating Kongresista samantalang si Mayor Henry ang nagging Kongresista. Sapagkat babae at batid ang pangangailangan ng nasa kanyang hanay, sa unang bugso pa lamang ng panunungkulan ni Mayor Linabelle ay kinakitaan ito ng mas malalim na malasakit sa mga kababaihan. Dahil dito, kinupkop at itinaguyod niya ang lahat ng programang Pang Nutrisyon kabilang ang Gulayang Sulit.Sumama si Mayor sa pagbisita sa mga barangay. Personal at Hands on niyang sinubaybayan ang labanan. Ibinilin niya sa mga kalahok na barangay na siguruhing sa mga Malnoris na bata maipapakain ang mga naaani sa gulayan. Hinikayat niya na ang lahat ng organisasyong nakapasok sa Barangay Nutrition Committee ay magkaroon ng aktwal na partisipasyon sa Gulayan. Hinimok niya ang ilang kapitan na hindi pa gaanong dumidiin na lubusin ang pakikisa sa patimpalak. Pinalakihan niya ang pa premyo.  

Dahil dito nag level up ang labanan. Hindi lamang pagtatanim ng gulay ang isnasaalang alang at hinahanap sa mga dokumentasyon. Kasama sa hinahanap ng mga inampalan ang bilang ng mga batang severely underweight at underweight na nakinabang o napakain ng galing sa gulayan. Ano ang mga recipe na pinaglahukan ng gulay. Maging ang pagkakaroon ng permanenting kasangkapan sa pagtatanim, mga pataba, mga paraang ginagamit sa pagpuksa ng peste ng tanim at ang talaan ng mga organisasyong kasapi ng Komite ng Nutrisyon sa Barangay na nakiisa at tumulong ay kasama sa evaluation.  

Hindi man sinadya, naglalabas ngayon ng sapat na pondo ang mga barangay para sa sariling feeding program nila upang doon ilahok ang mga naani sa Gulayan ( habang patuloy at kaalinsabay ang milk at supplementary feeding ni Mayor para sa mga bata).

Ngayong 2020 – nasa hulihang bahagi na ang gulayang sulit. Ang mga inampalan mula sa DepEd, DSWD, Agriculture Office, Cicro, Health Department, Senior Citizen, si Vice Mayor Jojie kasama ang isang kinatawan niya, si Konsehala Lara at Cathy, Liga ng mga Barangay, SK Federation Chairman Nino ay tapos nang mag ikot at naisagawa na ang mga hayag at unannounced na pagbisita sa mga Barangay.

Habang sinusulat ang balitang ito, napili na ng mga inampalan ang top seven sa mga kalahok na barangay.  Bago matapos ang unang lingo ng Disyembre ay iikutan naman ni Mayor LV ang pitong Barangay upang piliin ang top three. Ang papremyo bukod sa Katibayan ng Pagkilala ay Dalawampung Libong piso para sa unang gantimpala, Labinlimang libong piso para sa pangalawang gantimpala at Sampung libong piso para sa pangatlong gantimpala. May Cash Consolation Prizes din para sa lahat ng lumahok.

Ang proyekto ay naghatid ng kamalayan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng Barangay Nutrition Committee ng kahalagahan at kagandahan ng pagtatanim, na kahit magmahal ang mga gulay ay may nakahandang tanim sila na pwedeng pag anihan. Nakita din sa proyekto ang pagbabayanihan kung saan ang ibat ibang organisasyon ay nagtutulong tulon upang mapaganda ang mga pananim para sa mga batang malnoris. Gayundin, napalutang ang pagkamulat ng mga opisyal ng barangay at ng iba pa- na bukod pala sa mga pagawain at iba pang pinaglalaanan ng pondo, dapat din palang pondohan ang mga gawaing may kaugnayan sa Nutrisyon.

 

May akda:

Mr. Arsenio C. Sangalang
City Nutrition Action Officer
Meycauayan City