Noong ika-9 ng Agosto 2021, matagumpay na nailunsad ng National Nutrition Council-Region III (NNC-Region III) kaisa ang City Nutrition Office ng siyudad ng Malolos at ng Kagawaran ng Kalusugan ng Rehiyon ng Central Luzon o Department of Health Central Luzon Center for Health Development) ang 10 Kumainments-On-Wheels kaakibat pa ng ibang aktibidad tulad ng: Salt Testing, pagbisita sa vegetable garden ng lungsod at lactation station sa gusaling pang-lungsod.
Bago naganap ang pamamahagi ng 10 Kumainments stickers at banners sa mga kalahok na tricycle drivers ng siyudad ng Malolos ay nagkaroon muna ng maikling programa kung saan tinalakay ang mga paksang naka-hanay hindi lamang sa 10 Kumainments, kundi kaakibat rin ng pagdiriwang ng Breastfeeding Month sa buwan ng Agosto.
Unang ipinaliwanag ni Bb. Margarita Santos-Natividad Nutritionist-Dietitian IV ng DOH CL-CHD, ang kahalagahan ng breastfeeding sa kalusugan, hindi lamang ng sanggol kundi pati na rin sa ina. Inisa-isa din nya ang iba-ibang magandang dulot ng breastfeeding at inanyayahan ang mga taka-pakinig na ibahagi sa kanilang mga pamilya ang magagandang dulot ng breastfeeding. Dagdag pa niya, ang breastfeeding ay natural at ‘di hamak na mas murang alternatibo kesa sa nabibiling formula milk sa merkado. Binanggit din nya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng lactation stations sa mga pampublikong lugar o mga lugar na madalas puntahan ng mga tao kagaya ng malls, at mga opisina. Sunod namang ipinaliwanag ni Bb. Antonette Garcia ng NNC-Region III ang 10 Kumainments na itinuturing na gabay na pang-nutrisyon ng Pilipino o Nutritional Guidelines for Filipinos, ang pinagmulan at kasaysayan nito, at mga paraan kung paano ito maisasabuhay o masusunod sa pang-araw araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Si Bb. Angelita Pasos, Nutrition Officer III ng NNC-Region III naman ay sunod na ipinaliwanag ang kahalagahan ng paggamit ng iodized salt sa pang-araw-araw na pagkain na una nang nabanggit ni Bb. Garcia sa kanyang diskusyon. Kahanay ito sa kampanya ng NNC-Region III, Kagawaran ng Kalusugan, at ng Food and Drugs Administration o FDA ang paggamit ng iodized salt pang-araw-araw para labanan ang iba’t-ibang Iodine Deficiency Disorders na laganap sa ating bansa. Kaakibat ng pagtalakay ni Bb. Pasos sa paksang ito, sinabayan rin ito ng pag-susuri ng level ng iodine o salt testing ng mga dalang asin ng mga kalahok na drivers, mga empleyado ng City Hall at Nutrition Office. Sa tatlong klase ng asin na sinuri, ang isa ay mababa ang lebel ng iodine at hindi pumasa sa pamantayan o standards na nakalaan, ang sumunod ay hindi rin nakapasa sa pamantayan, at tanging isa lamang ang may iodine levels na nakaabot sa itinakdang lebel na kinakailangan. Ayon sa naitalagang alituntunin, kinakailangan na mayroong 30-70 ppm (parts per million) na iodine ang asin na ginagamit sa pang-araw araw upang maabot ang inerekomendang iodine levels na nakasaad sa Philippine Dietary Reference Intakes (PDRI).
Bago matapos ang programa ay nagbigay ng maikling mensahe ang alkalde ng Malolos na si Mayor Gilbert Gatchalian kung saan pinahiwatig nya ang kanyang walang-sawang pagsuporta sa mga programang pangnutrisyon ng siyudad ng Malolos, NNC-Region III, at Kagawaran ng Kalusugan. Pagkatapos nito ay tumungo na ang lahat sa paradahan ng toda ng mga tricycle drivers kung saan ginanap ang pagbibigay ng mga 10 Kumainments banners at stickers sa mga kalahok. Dito ay sabay-sabay na isinabit at idinikit ang mga banners at stickers sa kanilang mga tricycle bilang pagpapahiwatig ng suporta sa adbokasiya sa nutrisyon.
Matapos ang naturang programa ay nagtungo ang mga bisita mula NNC-Region III at Kagawaran ng Kalusugan sa vegetable garden ng lungsod. Sunod namang binisita ang lactation station sa loob ng gusaling pang-lungsod ng Malolos kung saan nagbahagi ng ilang komento sina Bb. Rosaldo at Bb. Natividad para mas lalong mapabuti at mapaganda ang naturang lactation station bago pa man ito pormal na buksan para ito ay mabigyan ng kaakibat na sertipikasyon mula sa Kagawaran ng Kalusugan. Ang naturang lactation station ay naka-ayon sa City Ordinance no. 38-2020 ng Lungsod ng Malolos kung saan imina-mandato ang pagkakaroon ng lactation station sa lahat ng mga komersiyal na establisiemento at mga pampublikong lugar o opisina. Ang paglabag sa naturang ordinansa ay maaaring magresulta sa rebokasyon ng business license at pagbabayad ng hindi bababa sa isang libong piso at hindi tataas sa limang libong piso.
by: Antonette Gail D. Garcia, Nutrition Officer I