MENU

kusinaPalawan - Malaking hamon para sa mga Palaweňo ang mawalan ng pagkakakitaan dahil sa ipinapatupad na community quarantine dulot ng krisis sa Coronavirus Disease o COVID19 na nararanasan hindi lamang sa bansa kundi maging sa buong mundo.

Kumakalam na sikmura ang epekto nito sa nakararaming Palaweňo na umaasa lamang sa kanilang pang araw-araw na hanapbuhay. Mayroon namang ayuda ang mga lokal na pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng mamamayan base na rin sa direktiba ng pamahalaang nasyunal. Ngunit para sa iilan ay hindi ito sapat upang matugunan ang pagkain sa bawat araw ng kanilang pamilya lalo na yaong nasa laylayan ng lipunan o ang “vulnerable sectors” na siyang marahil na pinaka-apektado ngayong panahon ng pandemya.

Kung si Punong Barangay Mary Ann Bayot-Catalan ng barangay San Miguel sa bayan ng Roxas, Palawan ang tatanungin, talagang mahirap ang sitwasyon nila ngayon dahil aniya, kung dati ay mahirap na ang buhay na wala pa ang virus, mas lalo pa ngayon na limitado ang galaw para makapag-hanapbuhay ang kanyang mga kabarangay.

"Sobrang hirap talaga, lalo pa ngayon siyempre kahit sabihin natin na wala tayong kaso dito sa barangay, maganda pa rin doble ingat ang lahat. Pero ang inaalala natin dito 'yong mga mahihirap talaga nating mga kabarangay gaya ng PWDs, senior citizen-- mahirap para sa kanila… saan sila kukuha ng pagkain sa araw-araw habang may quarantine?"

KUSINA SA BARANGAY

Upang matugunan ang pang araw-araw na pagkain ng mga vulnerable sectors sa mga barangay ngayong panahon ng community quarantine ay ipinapatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pangunguna ni Gob. Jose Ch. Alvarez katuwang ang Liga ng mga Barangay sa Palawan sa pamamagitan ni Board Member Ferdinand Zaballa ang programang “KUSINA SA BARANGAY.” Ito ay isinasakaturaparan din sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lokal ng mga munisipyo at ng Pilipinas Shell Foundation Incorporated (PSFI).

Layon ng programang ito na pansamantalang maibsan ang kagutuman sa mga barangay ng Palawan.

Sa Kusina sa Barangay, ang mga opisyales ng barangay ang magluluto araw-araw upang ipamahagi sa kanilang mga kabarangay na lubos na nangangailangan ng pagkain tulad ng mga indigent senior citizens, solo parents na walang trabaho, unsupported persons with disabilities (PWDs), mga buntis, mga nagpapasusong ina (lactating mothers) at mga malnourished children o mga batang kulang sa timbang.

Isang sektor lamang sa bawat araw ang mabibigyan ng pagkain depende sa matutukoy ng barangay. Ang barangay din ang binibigyan ng kapangyarihan kung anong sistema ang mas angkop sa kanilang lugar upang mas mapadali ang pagkakaloob nito. Ika nga ni Gob. Alvarez, walang magugutom ngayong panahon ng pandemya.

”Pasalamat ako at dumating ang Kusina sa Barangay, kahit papaano ay nakakarugtong sa aming pangangailangan sa barangay, napakalaking tulong po ito… sa mga taong may ginintuang puso at sa ating mga lider na naisipang gawin ito at naisip na ipamahagi dito sa atin sa mamamayan ng Palawan…" pasasalamat ni Punong Barangay Catalan.

Samantala, ang bigas na gagamitin sa pagluluto ay ipagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan sa bawat barangay. Ang mga pangunahing produkto naman na gagamitin tulad ng mga gulay, prutas at mga pagkaing dagat ay bibilhin ng PSFI sa mga magsasaka at mangingisda sa barangay upang mabigyan din sila ng munting kabuhayan.

Makakatiyak ang mga benepisyaryo na masustansya ang mga ihahandang pagkain dahil katuwang ang Municipal Nutrition Action Officers ng mga munisipyo sa paghahanda ng menu.

SALAMAT, GOB!

Si Gng. Lolita Valdestamon na isang senior citizen ay isa sa mga nabenepisyuhan na ng programang ito.

"Pasalamat ako sobra-sobra kasi malaking tulong ito sa amin sa pang araw-araw. Kagaya ko, wala talaga ngayon, hindi makapadala ang anak ko kasi lockdown sa pinapasukan niyang kompanya… okay talaga siya. Pasalamat din kay Gob. kasi naiintindihan niya ba 'yong pangangailangan ng pamilya."

Walang Palaweňong magugutom ngayong panahon ng pandemya dahil kaagapay natin ang KUSINA SA BARANGAY.

 

(Cyrus Claridad / PGO-Public Relations / PROMO Nutri Com)