MENU

,or min media clubNakatakdang ilunsad ng Oriental Mindoro Media Club (OMMC) ang proyektong, “Search for Best Gulayan sa Bakuran” sa matutukoy nitong pilot barangays sa Lungsod ng Calapan ngayong buwan ng Oktubre.

Layunin ng OMMC sa proyektong ito na maipatupad ang recovery program para sa mga lubhang naapektuhan ng pandemya dulot ng COVID-19, katuwang ang pamahalaang nasyunal.

Ang OMMC, na isang quad media organization (radyo, telebisyon, dyaryo at social media) ay ang pinaka-una at  lehitimong samahan ng mamamahayag sa Oriental Mindoro na itinatag noong taong 1987, na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na naglilingkod sa mga mamamayan sa pamamagitan ng paghahatid ng mga balita at kaganapan hinggil sa lalawigan.

Kukumplemento ang proyekto ng naturang samahan ng mga mamamahayag sa programa ng Pangulo na “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat” (ALPAS) recovery program, na ipinatutupad ngayon ng sangay ng Kagawaran ng Pagsasaka. Nilalayon nitong magsilbing inspirasyon sa mga wala pang tanim na gulay sa kanilang bakuran na simulan ang pagtatanim para masiguro ang pagkain sa hapag kainan. Nais ipadama ng naturang samahan ng mga mamamahayag na hindi lamang sa pamamahayag maaaring makatulong ito, manapa’y maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapababa ng antas ng kahirapan, pagkakaroon ng kasiguruhan sa pagkain at maging bahagi sa Climate Change Mitigation and Adaptation Program ng pamahalaan.

Nauna na rito, naging bahagi rin ang OMMC noong kasagsagan ng pandemya, sa pagkakaloob ng ayudang pagkain sa mga frontliner sa lalawigan. Maliban sa pagbabalita, nakikipagtulungan din ito sa mga coastal clean-up at iba pang gawaing nangangalaga at nagpipriserba ng kapaligiran.

Samantala, mayroon namang dalawang kategorya ang patimpalak, ang "Gulayan sa Bakuran for Rural Areas" para sa mga pamilyang may bakanteng lupa sa loob ng bakuran na maaaring taniman at ang Indigenous o "Container Vegetable Gardening for Urban Areas" para naman sa mga residenteng pamilya na walang bakanteng lupa o puro semento ang loob ng bakuran.

Magiging pamantayan naman sa naturang patimpalak ang mga sumusunod:

Para sa Gulayan sa Bakuran Rural category: Garden quality, 40%; Garden sustainability, 20%; Uniqueness, 10%; Garden productivity, 15% Overall impact, 15% na may kabuuang 100%.

Para naman sa Indegeneous Vegetable Gardening, Urban category: Resourcefullness, 40%; Sustainability, 20%; Uniqueness, 15%; Productivity, 15% at Overall impact, 10%.

Ang patimpalak na magsisimula sa Oktubre ay tatagal naman ng humigit kumulang sa tatlong buwan na pinal na huhusgahan sa darating na buwan ng Disyembre. Makatatanggap naman ng cash at regalong pang-Noche Buena ang mga mananalo sa naturang patimpalak.

(Ma. Fe A. De Leon / PIO - Oriental Mindoro)