Odiongan, Romblon -- Upang magsilbing inspirasyon sa mga nanay ang pagdudulot ng complementary feeding sa kanilang sanggol, isinagawa ang Search for Best Infant Feeding Practices (Breastfeeding with preparation of Complementary Foods) Photo Contest sa bayan ng Odiongan, Romblon bilang parte ng pagdiriwang ng ika-46 na selebrasyon ng Buwan ng Nutrisyon noong Hulyo. Nilahukan ang naturang patimpalak ng 25 kinatawang nanay at ng kanilang pinasususong sanggol mula sa 25 barangay sa bayan ng Odiongan.
Mula sa 25 kalahok, nakuha ni Angelie F. Moreno ng Barangay Canduyong ang unang pwesto, pumangalawa naman si Anabel Arcacitas ng Barangay Bangon, samantalang pumangatlo si Ria Fesariton ng Barangay Tuburan.
Sa naturang patimpalak, nagpakita ng mga larawan ang mga kalahok sa pagpapasuso at kung paano nila dinudulutan ng complementary feeding ang kanilang mga sanggol. Kalakip rin ng mga larawan ang paraan ng paggawa ng masusutansyang menu para sa kanilang sanggol.
Pinagkalooban ng premyo ang mga nagwagi mula sa pondo ng Municipal Nutrition Action Office. Lubos naman ang naging suporta ni Mayor Trina Firmalo-Fabic sa naturang aktibidad. (Rubelyn S. Solis / Radyo Natin - Looc)