Sa gitna ng crisis dahil sa pandemyang COVID-19, nabigyan ng tyansa ang mga nagdadalang tao mula sa Paluan, Occidental Mindoro na mabigyan ng kaalaman ukol sa kanilang ligtas na pagbubuntis.
Ginanap noong ika-18 ng Setyembre 2020 ang ‘Buntis Congress’ sa Paluan Central School, Paluan, Occidental Mindoro, na dinaluhan ng 20 indibidwal. Ito ay isinagawa ng Paluan Rural Health Unit sa pamumuno ni Dra. Ruth Alma Ramos.
Pinangunahan ni Midwife Analiza de Veas ang pagpapaliwanag ng mga dapat gawin ng isang ina sa kanyang pagbubuntis gaya ng pagpapabakuna ng tetanus toxoid at palagiang pagpapacheck-up. Binigyang-diin niya ang pagbibigay ng Bitamina A at newborn screening para sa mga bagong panganak na sanggol, at sa paglaki nito ang pagpupurga, at regular na pagpapabakuna. Tinalakay din dito ang breastfeeding sa panahon ng COVID-19. Paalala sa mga inang nagpapasuso na dapat na naka facemask (may sintomas man o wala) at palaging maghugas ng kamay bago hawakan at pakainin ang sanggol.
Ang Buntis Congress ay dinaluhan din ni Chairman on Health Committee, Kgg. Cherry V. San Agustin kung saan binigyang punto niya ang pangangalaga sa mga nagbubuntis at pagbibigay paalala sa palaging pagpapakonsulta sa mga health centers at iba pang health facility upang masiguro ang malusog na pagbubuntis.
Kasama din sa programa ang pagbibigay ng award sa mga early bird at mga buntis na may kumpletong check-up sa health center/facility. Malaking tulong ang aktibidad na ito para sa mga buntis upang mabigyan sila ng kaalaman sa mga proseso at serbisyong pangkalusugang ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa kanila. (Christian Jay T. De Lemos, Radyo Kapalayawan)