MENU

OrMin EOORIENTAL MINDORO – Sa halip na soda, inoobliga na ngayon ng pamahalaang panlalawigan ang pagsasama ng Calamansi Juice o by-products ng calamansi sa mga ihahain sa pagpupulong at pagtitipon lalo na sa mga pampamahalaang gawain.

Ito ay matapos ibaba ni Gobernador Bonz Dolor nitong Setyembre 15 ang Executive Order No. 49 series of 2020: “Mandating the Practice of Serving Calamnsi Juice or Any of its Variants for at least Fifty Percent of Refreshments in All Functions and Gatherings Initiated by the Provincial Government of Oriental Mindoro and Enjoining the Local Government Units Therein.”

Bunga na rin ang naturang mandato ng pakikipagtuwang ng pamahalaang panlalawigan sa Department of Agriculture, sa ilalim ng programang Philippines Rural Development Project (PRDP) na nakasama sa Provincial Commodity Investment Plan (PCIP) para sa produktong calamansi, ang pangunahing produktong agrikultural ng Oriental Mindoro.

Hinihikayat din ang pagbebenta ng naturang produkto sa mga sasakyang pandagat upang lubos na maipakilala ang calamansi bilang pangunahing produktong agrikultura ng lalawigan.

Layunin din nito na maitaas ang antas ng industriya ng calamansi sa lalawigan na kilala rin bilang ‘Calamansi King’ ng rehiyon.

Ang calamansi ay mayaman sa Bitamina C na pampalakas ng immune system ng katawan at mabisang panlaban ngayong panahon ng pandemya, kumpara sa mga inumin gaya ng soda at powdered juice(Ma. Fe A. De Leon, PIO - Oriental Mindoro)