MENU

Malnutrition Prevalence Rate ng Palawan patuloy ang pagbabaSa kabila ng malaking hamong kinakaharap ng Palawan pagdating sa usapin ng malnutrisyon gayundin ang krisis dulot ng pandemyang COVID19 ay nagpapatuloy ang pagbaba ng Malnutrition Prevalence Rate (MPR) ng lalawigan base sa resulta ng isinagawang Operation Plus Timbang (OPT) ng Provincial Nutrition Council-Technical Working Group (PNC-TWG) para sa taong 2020.

Ayon kay Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel Paladan, bahagyang bumaba ang MPR ng Palawan matapos ang isinagawang mga aktibidad at inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan nitong nagdaang taon.

“Medyo maganda ang resulta ng ating OPT for 2020 kasi nakita natin na kahit papano ang unti-unting pagbaba ng MPR ng Palawan.  Isa itong indikasyon na kahit papano ay effective ang ating mga programa at inisyatibo sa mga barangay,” ani PNAO Paladan.

Base sa inilabas na datos ng konseho, nakapagtala ng 8.65% MPR ang Palawan para sa taong 2020, mas mababa ito kumpara noong taong 2019 na umabot sa 8.86% at nasa 8.98% naman para sa taong 2018.

Aminado  naman si PNAO Paladan na ang mga datos na ito ay mataas  pa rin kung kaya’t kailangan pa rin ang tuloy-tuloy na pagtugon sa usapin ng malnutrisyon sa Palawan.

“Kahit na bahagyang bumababa ang percentage ng MPR natin, hindi tayo pwede mag-stick doon, we need to exert more effort pa talaga lalo na sa mga nanay sa barangay, hangga’t may naitatalang MPR hindi tayo pwedeng tumigil para solusyunan ang problema natin sa nutrition.”

Apat na munisipyo ang nakapagtala ng may pinakamababang MPR na hindi lalagpas sa 5%.  Ito ay ang mga bayan ng San Vicente, Culion, Coron at Brooke’s Point. Samantala, ang limang munisipyo naman na nakapagtala ng pinakamataas na MPR ay ang Balabac, Linapacan, Bataraza, Rizal at Cagayancillo.

Ayon pa kay PNAO Paladan, malaking hamon din ang heograpikong sitwasyon ng Palawan kung kaya’t mahirap maabot ang mga malalayong barangay sa mga munisipyo upang pagkalooban ng serbisyo ng pamahalaan.

Ang Operation Plus Timbang na isinasagawa taon-taon ay ang basehan ng pagkuha ng MPR sa mga barangay alinsunod ito sa panuntunan ng National Nutrition Council (NNC). Sa Palawan, ito ay isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Nutrition Office katuwang ang mga Barangay Environment, Agriculture and Nutrition Scholars o BEANS sa mga batang may edad 0-71 buwang gulang.

Nagpapatuloy naman ang iba pang aktibidad ng Pamahalaang Panlalawigan base sa direktiba ni Gob. Jose Ch. Alvarez na tumutugon sa pangangailangang pangnutrisyon sa kanayunan sa pamamagitan ng Malnutrition Reduction Program. Ilan dito ay ang micronutrient supplementation, deworming activity, complementary feeding program, mother’s class nutrition education campaign, Integrated Community Food Production kung saan nakapaloob dito ang pamamahagi ng buto ng gulay para itanim sa mga bakuran at ang pagsasagawa ng Garantisadong Pambata.

“Prayoridad natin ang kalusugan ng bawat mamamayang Palaweno kung kaya’t kailangan talaga natin ang ibayong pagtutulungan katuwang ang iba’t ibang sektor ng lipunan upang matugunan ang problema sa malnutrisyon na ating kinakaharap ngayon,” pahayag ni PNAO Paladan. (Cyrus Kim D. Claridad / PGO - Palawan)