Ngayong nahaharap pa rin ang buong bansa sa suliraning pangkalusugan dulot ng COVID19, patuloy ding pinaiigting ang pagpapatupad ng iba pang mga programang pangkalusugan para sa mga mamamayan kasama na rito ang Expanded Community-Based Deworming Program o pagpupurga sa mga bata.
Sa pagsisimula ng unang round ng deworming program ngayong buwan ng Enero ay matagumpay na isinagawa ng Provincial Nutrition Office ng Pamahalaang Panlalawigan ang sabayang pagpupurga o deworming activity sa munisipyo ng Rizal noong ika-18-22 ng Enero, 2021.
Sa temang “Goodbye Bulate”, sinisiguro nito ang kaligtasan ng mga kabataang katutubo sa bayan ng Rizal laban sa mga bulate sa tiyan na may dalang sakit. Tinatayang nasa mahigit 600 mga bata ang nabigyan ng pampurga, ayon kay Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel Paladan.
Aniya, bukod sa implementasyon ng Expanded Community-Based Deworming Program, ang aktibidad na ito ay bahagi ng pagpapaigting ng Malnutrition Reduction Program sa bayan ng Rizal, dahil nakapagtala ang bayang ito ng mataas na kaso ng malnutrition prevalence rate sa buong rehiyon ayon sa pinakahuling talaan ng National Nutrition Council (NNC) MIMAROPA.
Ayon pa kay PNAO Paladan, bukod sa pagpurga ay nagkaloob din sila ng iba pang serbisyong pang-nutrisyon para sa mga katutubo. “We also conducted mother’s class para sa mga nanay, pagtuturo ng wastong paglilinis ng ngipin, distribution ng slippers at siyempre ‘yong distribution ng complementary foods natin ay kasama rin.”
Layunin ng gawaing ito na maibaba ang kaso ng mga batang may bulate sa tiyan na pangunahing dahilan ng panghihina ng katawan, kawalan ng gana sa pagkain at pagkakaroon ng mababang IQ.
Nakatakda namang isagawa ang ikalawang round ng aktibidad sa buwan ng Hulyo ngayong taon na magkatuwang na itinataguyod ng Department of Health (DOH), National Nutrition Council at Department of Education (DepEd).
(Cyrus Kim D. Claridad / PGO – Palawan, Public Relations)