Pangunahing isinasaalang-alang ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng pamunuan ni Gob. Jose Ch. Alvarez ang kalusugan ng bawat mamamayang Palaweño lalo’t higit ang nasa malalayong barangay ng Palawan.
Sa pamamagitan ng isinagawang Nutrition and Health Caravan noong ika-18 hanggang ika-22 ng Enero, taong kasalukuyan ay mahigit sa 200 katutubong Pala’wan sa bayan ng Rizal ang nabenepisyuhan ng iba’t ibang serbisyong pangkalusugan. Ang gawaing ito ay pinangunahan ng Provincial Health Office (PHO) at Provincial Nutrition Office (PNO) katuwang ang pamahalaang lokal ng Rizal kung saan apat na barangay ang nabenepisyuhan na kinabibilangan ng barangay Taburi, Panalingaan, Culasian at Candawaga.
Samantala, mayroon ding isinagawang medical at dental consultation kasama na ang pamamahagi ng libreng gamot para sa mga katutubo, pagkakaloob ng libreng kulambo at malaria screening mula sa grupo ng Kilusan Ligtas Malaria (KLM).
Tinatayang nasa mahigit 600 na katutubo sa bayan ng Rizal ang naserbisyuhan ng naturang health caravan na labis naman ang ikinatuwa ng mga ito. Mas pinahigpit din ang pagpapatupad ng standard health protocols kaugnay sa naturang aktibidad para sa mga health care providers mula sa PHO at PNO kaugnay ng pagsunod sa modified general community quarantine status ng lalawigan.
(Cyrus Kim D. Claridad / PGO – Palawan, Public Relations)