MENU

02 2021 MELLPI Dumaran Araceli Palawan

Nagsagawa ng Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation o MELLPI Pro ang Provincial Nutrition Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa mga bayan ng Dumaran at Araceli noong ika-15 hanggang ika-19 ng Pebrero, taong kasaluyan, katuwang ang ilang miyembro ng Provincial Nutrition Council. 

Layunin ng MELLPI Pro na ma-monitor at masuri ang lokal na implementasyon ng mga programang pangnutrisyon sa lebel ng lalawigan, munisipyo at barangay upang masiguro na naipapaabot sa mga benepisyaryo ang mga serbisyong pangnutrisyon ng pamahalaan base sa Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN). 

Unang tinungo ng MELLPI Pro evaluators na pinangunahan ni Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel T. Paladan ang munisipyo ng Dumaran kung saan dalawang barangay nito ang sumailalim sa ebalwasyon na kinabibilangan ng mga barangay ng Poblacion at Bacao.

Nagbigay rin ng feedback si PNAO Paladan kay Dumaran Mayor Arnel T. Caabay sa ginanap na pagpupulong ng Municipal Nutrition Council (MNC) kaugnay ng isinagawang monitoring.  Ilan sa mga suhestiyon na ibinigay sa bumubuo ng MNC Dumaran ay ang local adoption ng mga batas pangnutrisyon sa pamamagitan ng resolusyon at ordinansa upang mas matibay ang implementasyon ng mga ito sa kanilang lokalidad; paglalaan ng kaukulang pondo para sa ibang mga aktibidad pangnutrisyon at iba pa.

Binisita rin ng grupo ni PNAO Paladan ang salt production site sa barangay Bohol sa bayan pa rin ng Dumaran na inaasahang magiging benepisyaryo ng salt iodization machine mula sa Department of Science and Technology (DOST).  Ito ay upang matugunan ang pangangailangan ng iodized salt sa lalawigan ng Palawan.

Samantala, nagsagawa rin ng kahalintulad na aktibidad sa bayan ng Araceli partikular sa barangay Poblacion nito.  Binisita rin ng grupo ni PNAO Paladan ang Integrated Community Food Production sa Sitio Bolocot, barangay Lumacad, Araceli na itinatag sa pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist, Provincial Nutrition Office at ng lokal na pamahalaan.  Sa kasalukuyan ay mayroong 28 kabahayan ang nakikinabang sa naturang proyekto na siya rin tumutugon sa pangangailangang pangnutrisyon ng komunidad.

Inaasahan naman na magsasagawa ng MELLPI Pro sa mga bayan ng Roxas at San Vicente sa unang linggo ng Marso, taong kasalukuyan.

Cyrus Kim D. Claridad - PGO Palawan / PROMO Nutri Com