MENU

07 2021 Palawan NM Launching

Isinulat ni: Cyrus Kim D. Claridad - PGO Palawan / PROMO Nutri Com

Mahigit sa tatlumpung (30) mga buntis sa Sitio Tabodniayo, Barangay Bancalaan sa munisipyo ng Balabac, Palawan ang nakiisa sa paglulunsad ng Buwan ng Nutrisyon ngayong taon. Ang naturang aktibidad ay matagumpay na idinaos noong Hulyo 6, 2021 sa pangunguna ng Provincial Nutrition Office ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang Pamahalaang Barangay ng Bancalaan sa naturang bayan. 

Sa temang “Malnutrisyon Patuloy na Labanan, First 1000 Days Tutukan,” ipinaliwanag ni Palawan Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel Paladan ang kahalagahan ng first 1000 days ng isang bata upang lumaking malusog at maiwasan ang malnutrisyon. Tinalakay din niya ang wastong pangangalaga ng kalusugan ng isang ina sa panahon ng pagbubuntis.

“Ang tema po natin ngayong taon para sa pagdiriwang ng ating nutrition month ay para po sa inyo, lalo na po ang pagsulong natin sa First 1000 days ni baby.  Ito ay tumutukoy sa unang isang libong araw ni baby simula sa sinapupunan hanggang sa kanyang ikalawang taon o ang tinatawag din po nating window of opportunity, dito po kasi nagkakaroon ng physical at brain development ni baby. Sa panahong ito nakasalalay ang kanyang kakayahan umangat sa buhay sa kanyang paglaki,” bahagi ng pahayag ni PNAO Paladan.

Bahagi rin ng aktibidad ang pamamahagi ng buntis kit para makatulong sa pagpapanatili ng maayos na kalusugan at kalinisan bago ang kanilang araw ng panganganak. Ang buntis kit ay naglalaman ng sabon, face towel, alcohol, bulak, betadine at iba pa.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Punong Barangay Rolly Reyes ng Bancalaan sa Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Jose Ch. Alvarez at Vice-Gov. Dennis M. Socrates dahil sa paghahatid ng serbisyo sa kanilang barangay ngayong buwan ng nutrisyon.

“Sa ngalan po ng buong Barangay Bancalaan, kahit malayo ang aming lugar ay sinadya niyo po kami, maraming salamat po! Dahil kailangan po namin ito sa aming barangay at ang nais talaga natin ay lahat sana ng mga nanay natin dito sa barangay ay laging malusog ang katawan at pati na ang kanilang anak para wala na po tayong mga malnourish na mga bata. Maraming salamat po inyo.”