Sa panahon ngayon na laganap ang iba’t ibang sakit, lubos na mahalaga ang pagkakaroon ng malakas na resistensya sapagkat ito ang pumoprotekta sa atin laban sa iba’t ibang mikrobyo at virus. Gaya nga ng isang kasabihan, “Prevention is better that cure". Higit na mahalaga ang pagkakaroon ng malakas na resistensya kaysa anumang gamot. Ngunit paano nga ba natin mapapalakas ang resistensya?
Ayon sa mga eksperto, mayroong anim na paraan na maaring gawin, kagaya ng:
- Uminom ng sapat at malinis na tubig. Maraming benepisyo ang pag inom ng tubig. Ilan dito ay ang pagpapababa ng ating temperatura, nakakatulong upang makaiwas sa panunuyo ng balat at higit sa lahat ay nakakatulong rin ito upang mailabas ang mga lason sa katawan sa pamamagitan ng pag-ihi. Sa katunayan, ang ating katawan ay naglalaman ng higit sa 60 porsyento ng tubig.
- Pagkain ng mga masustansyang pagkain. Pagkain ang pangalawa sa pangangailangan ng ating katawan upang patuloy na mabuhay. Dito nanggagaling ang iba't-ibang bitamina na makakatulong upang maging malusog at malakas ang ating pangangatawan. Maiging pumili ng mga pagkaing mayaman sa bitamina C at zinc. Ang bitamina C ay karaniwang matatagpuan sa mga gulay at prutas gaya ng dalanghita, mangga, bayabas at iba pa. Ang zinc naman ay makukuha sa mga butong-gulay, mani at whole grains.
- Pagkakaroon ng sapat na tulog. Ang pag tulog ay isang paraan ng ating katawan upang makapag pahinga na nakakapag palakas sa ating katawan. Ang pagtulog ng pito hanggang walong oras sa gabi ay may positibong epekto sa ating kalusugan.
- Regular na ehersisyo. Ang pag-eehersisyo ng higit tatlumpung minuto kada araw ay makakatulong upang makaiwas sa sakit sa puso, diabetes, altapresyon at iba pa. Habang tayo ay nag-eehersisyo, ang ating katawan ay naglalabas ng cytokines na pangunahing panlaban ng ating katawan sa iba’t ibang sakit.
- Hindi labis na pag-inom ng alak. Ang pag-inom ng alak ay nakasanayan na ng ilan sa ating mga Pilipino ngunit ang labis na pag inom nito ay nakakapag pahina ng ating resistensya at pinapataas nito ang posibilidad ng pagkakaroon ng acute respiratory stress syndrome, sepsis, alcoholic liver disease at ibang uri ng kanser.
- Pag-manage ng stress. Ang stress ay maaaring may iba’t ibang lebel sa bawat tao at ito ay lubos rin na nakakaapekto sa ating resistensya. Kapag ang isang tao ay stressed, naglalabas ang ating katawan ng tinatawag na corticosteroid or stress hormone na nakakabawas sa pagiging epektibo ng ating immune system.
Ilan lamang ito sa mga paraan upang mapalakas ang ating resistensya. Ngayong laganap ang sakit lalo na ang banta ng COVID-19, kailangan rin natin panatilihin ang kalinisan sa ating paligid, iwasan ang pagdalo sa mga pagtitipon ng maraming tao, at ugaliin ang madalas na paghuhugas ng kamay. Nawa’y maging malusog at malakas ang resistensya nating lahat!
Isinulat ni: NO I Jhanna Camela C. Torres
Mga Sanggunian:
Harvard Health Publishing. (2021). How to boost your immune system. Retrieved from https://www.health.harvard.edu/staying-healthy/how-to-boost-your-immune-system
Suni, E. (2020). How Sleep Affects Immunity. Retrieved from https://www.sleepfoundation.org/physical-health/how-sleep-affects-immunity
Sarkar, D., Jung, M. K., & Wang, H. J. (2015). Alcohol and the Immune System. Alcohol Research : Current Reviews, 37(2), 153–155.
McLeod,S. (2010). Stress, Illness and the Immune System. Retrieved from https://www.webmd.com/balance/stress-management/stress-management#:~:text=Set%20limits%20appropriately%20and%20say,stress%20your%20body%20even%20more.