Noong 2020, nakapagtala ang Department of Health ng humigit kumulang 75,405 na bagong kaso ng Type 2 Diabetes sa buong Pilipinas. Mas mataas kumpara sa mga bagong naitalang kaso na may bilang na 54, 796 noong 2019. Nakakabahalang isipin na patuloy na tumataas ang bilang ng mga taong nagkaroon ng Type 2 Diabetes sa ating bansa. Anu-ano nga ba ang sanhi ng pagkakaroon nito?
Ayon sa mga eksperto, ang Type 2 diabetes ay kalimitang sanhi ng hindi magandang lifestyle o pamumuhay ng isang indibidwal. Lalo na sa panahon ngayon kung saan karamihan sa mga nagtatrabaho ay pansamantalang nasa bahay lamang dahil sa banta ng Covid-19. Maaaring tumaas ang tyansa ng pagkakaroon ng Type 2 Diabetes dahil sa mga sumusunod:
- Labis na katabaan o pagiging overweight at obese. Ang labis na katabaan ay ang pinaka-pangunahing dahilan ng diabetes. Ang ating taba sa katawan ay may kakayahang maglabas ng mga “pro-inflammatory” na kemikal na nakakawala ng bisa sa insulin na siyang nagpapababa ng ating dugo.
- Pagiging inaktibo. Ang pagiging aktibo ay makakatulong upang mabawasan ang ating timbang sapagkat ang mga nutrients na pumapasok sa ating katawan ay ginagamit bilang enerhiya sa pang araw-araw nating gawain. Sa kabilang banda, ang labis na pagkain at pagiging inaktibo ay nagdudulot ng labis na pagtaas ng timbang na maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng Type 2 diabetes.
- Pagkain ng mga hindi masustansyang pagkain. Laganap ngayon ang iba’t ibang klase ng pagkain na labis na nakakatakam at mayroong mataas na calories ngunit mababa naman sa mga mahalagang nutrients na kailangan ng ating katawan. Ang mga pagkaing hindi masustansya ay kalimitang makikita at mabibili sa mga fast food restaurants, ito ang mga pagkaing may labis na mantika o taba, asin, at asukal.
Laging tatandaan na ang Type 2 Diabetes ay kayang kaya nating iwasan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malusog at aktibong pamumuhay. Siguraduhing balanse at masustansya ang ating mga kakainin at huwag kalimutan ang pag-ehersisyo kada araw. Sa dalawang paraan na ito ay mapapanatili natin ang ating normal na timbang at malusog na katawan.
Isinulat ni: NO I Jhanna Camela C. Torres
Mga Sanggunian:
Department of Health. (2019). Field Health Services Information System 2019 Annual Report. Retrieved from https://doh.gov.ph/sites/default/files/publications/FHSIS_2019_AnnualReport_09_30_2020_signed.pdf.
Department of Health. (2020). Field Health Services Information System 2020 Annual Report. Retrieved from https://doh.gov.ph/sites/default/files/publications/FHSIS%202020%20Annual%20Report.pdf.
Mayo Clinic. Type 2 Diabetes. Retrieved from https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/type-2-diabetes/symptoms-causes/syc-20351193
Diabetes.co.uk. (2019). Diabetes and Obesity. Retrieved from https://www.diabetes.co.uk/diabetes-and-obesity.html
Photo. Retrieved from https://www.freepik.com/free-psd/burger-restaurant-plate-fast-food-doodle-background_6673705.htm#query=eating%20fast%20food&position=17&from_view=keyword