MENU

03302022 Mga Pagkain para sa Malusog na Ngipin
Ang pinakamahalagang hakbang upang magkaroon ng malusog na ipin at gilagid ay ang araw-araw na pagsisipilyo at pagpapanatili ng good oral hygiene ngunit alam niyo ba na maari ring makatulong ang aspeto ng nutrisyon sa inyong mga ipin? Halina’t alamin ang mga pagkain na maaaring makatulong upang kayo ay magkaroon ng malusog at matibay na ipin!

Unang una sa ating listahan ay ang mga pagkain na mayaman sa CALCIUM, ito ay nakakatulong sa pagbuo at pagpapatibay ng ating mga buto at ipin. Ilan sa mga pagkain na mayaman sa calcium ay ang mga dairy gaya ng gatas, keso, at yogurt. Kasama rin dito ang ilang uri ng isda at lamang dagat gaya ng dilis, sardinas, maliliit na hipon o alamang. Nariyan din ang mga madadahong gulay gaya ng malunggay, alugbati, saluyot, at mustasa. Isama na rin natin ang tokwa na talaga namang mayaman sa calcium.

Pumapangalawa ang mga pagkaing mayaman sa PHOSPHORUS, gaya ng calcium, ito ay isang mineral na bumubuo sa ating mga buto at ipin. Ilan sa mga pagkain na mayaman sa phosphorus ay itlog, isda, karne, dairy, mani at mga butong-gulay.

At di papahuli ang mga pagkaing mayaman sa BITAMINA C, ito ay ang pangunahing nakakatulong upang mapanatili ang malusog na gilagid. Ilan sa mga pagkain na mayaman sa bitamina C ay ang mga citrus fruits gaya ng bayabas, kalamansi, dayap at iba pa. Kasama din dito ang papaya, strawberry, broccoli, patatas, at espinaka o spinach.

Ilan pang mga dapat alalahanin ay ang pag-iwas sa mga pagkain ng mga matatamis. Ito ay kalimitang nagiging sanhi ng pagkasira ng ating mga ipin. Kung hindi maiwasan, siguraduhin na magsipilyo o magmumog ng malinis na tubig pagkatapos kumain ng matatamis na pagkain.

Laging tatandaan na kaakibat ng pagsisipilyo ang wastong nutrisyon sa pagpapanatili ng malusog, malinis at matibay na ipin!

Isinulat ni: PNFP Jhanna Camela C. Torres

Mga Sanggunian:

Ellis, E. 2021. Healthy Nutrition for Healthy Teeth. Retrieved from https://www.eatright.org/food/vitamins-and-supplements/nutrient-rich-foods/healthy-nutrition-for-healthy-teeth