
Binigyang parangal ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Nutrition Committee ang ilang lokal na pamahalaan at mga opisyales gayundin ang mga Barangay Environment Agriculture and Nutrition Scholars (BEANS) sa Palawan para sa pagtataguyod ng mga programa sa kalusugan at nutrisyon sa lalawigan.
Ginanap ang Provincial Nutrition Awarding ceremony noong Marso 28, 2022 sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo kasabay ng pagdaraos ng Municipal Nutrition Action Officer's consultative meeting. Dumalo rito si Board Member Eduardo Modesto Rodriguez na kasalukuyang chairman on Committee on Health sa Sangguniang Panlalawigan bilang panauhing pandangal.
Ang mga pinarangalan ay ang mga lokal na pamahalaan na mayroong mahusay na implementasyon ng nutrition program sa kanilang lokalidad kabilang dito ang Top 5 Municipality with Lowest Malnutrition Prevalence Rate (MPR) para sa kategoryang Weight for Age, Height for Age, at Weight for Length. Ang parangal ay para sa taong 2019, 2020 at 2021.
"Ako po ay nagpapasalamat sa efforts ng bawat isa... ang pagkilala po na ito ay isang paraan lamang upang kayo po ay magsilbing inspirasyon sa inyong bayan. Pinaghirapan po ninyo 'yang award na 'yan kung kaya't deserve nyo po na bigyan ng ganitong klaseng pagkilala dahil sa inyong ambag upang mapaganda pa ang nutrition program sa ating lalawigan," bahagi ng mensahe ng pasasalamat ni Provincial Nutrition Action Officer Rachel Paladan.
Samantala, mayroong 36 na mga BEANS ang binigyang pagkilala para sa 30 taong o higit pa na pagseserbisyo sa kanilang barangay.
Tinanghal na oustanding municipality ang San Vicente sa magkasunod na taon mula 2019-2020 dahil nanguna ito sa may pinakamababang MPR sa Palawan. Ang Barangay Alimanguan sa naturang munisipyo ang tinanghal na Oustanding Barangay gayundin si Kap. Cesar Caballero bilang Oustanding Barangay Captain. Si G. Rodrigo Cipriano naman ang tinanghal na Outstanding Municipal Nutrition Action Officer (MNAO) sa ginanap na awarding ceremony.
"Maraming Salamat po sa Provincial Government sa parangal po na ito. Ito pong award na ito ay nakakadagdag inspirasyon sa aming mga nutrition warriors at magsisilbing motivation upang ipagpatuloy pa ang trabaho upang labanan ang malnutrition sa ating lalawigan," ani G. Cipriano.
Ang Provincial Nutrition Award ay bahagi ng programa ng Provincial Nutrition Office katuwang ang National Nutrition Council (NNC) at Department of Health (DOH) kung saan binibigyang parangal ang mga kawani, tanggapan, pamahalaang lokal na mayroong malaking ambag sa pagtataguyod ng maayos na nutrisyon sa kanilang lugar. Ito rin ay isang paraan upang patuloy na maiangat ang antas ng kalusugan ng mamamayang Palaweño.
Isinulat ni: Cyrus Kim D. Claridad / Palawan Governor's Office - Public Relations / PROMO Nutri Com
Isinulat ni: Cyrus Kim D. Claridad / Palawan Governor's Office - Public Relations / PROMO Nutri Com
Kuha ni: Vernon Yumang / PIO - Palawan