MENU
04012022 Re orientation at Nutrition Program Updates isinagawa para sa mga Municipal Nutrition Action Officers sa Palawan
Matapos ang mahigit dalawang taong walang physical activities ang mga tanggapan sa pamahalaan dulot ng COVID19 ay unti-unti nang bumabalik ang pagsasagawa ng mga personal na aktibidad na may kaugnayan sa patuloy na pagpapatupad ng mga programa sa kalusugan.
 
Kaugnay nito ay matagumpay na naisagawa ang apat na araw na Municipal Nutrition Action Officers (MNAO) Consultative Meeting sa pangunguna ng Provincial Nutrition Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at National Nutrition Council (NNC) MIMAROPA.
 
Nagsimula ang naturang aktibidad noong Marso 28, 2022 at nakatakdang magtapos ngayong araw, Marso 31, 2022 sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo. Kasama rin ng mga MNAOs sa aktibidad ang kanilang mga Barangay Environment, Agriculture and Nutrition Scholars o BEANS at iba pang opisyales ng munisipyo.
 
Pangunahing layunin ng aktibidad na itipon ang lahat ng MNAOs sa buong Palawan upang magsagawa ng reorientation at updates sa mga pagbabago patungkol sa pagpapatupad ng programa sa nutrisyon.
 
"Since more than 2 years na kasi tayong walang face-to-face activity because of the pandemic, marami na tayong backlogs. Mahirap kasi mag-conduct ng activity kapag virtual lang. Hindi natin ma-assure ang quality ng capacity building natin. Kailangan na kasing ma-update ang mga MNAOs natin kasama ang ilang BEANS at iba pang nutrition officers natin. Marami na kasing pagbabago especially may pandemic pa rin until now. We need to upgrade 'yung mga system natin para sa mas maayos na implementation ng programs natin," ani Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel Paladan.
 
Bahagi rin ng aktibidad ang pag-uulat ng kasalukuyang lagay ng Palawan kaugnay ng Malnutrition Prevalence Rate (MPR) ng bawat munisipyo.
 
Samantala, ang grupo mula sa NNC-MIMAROPA ay pinangungunahan ni Gng. Ma. Eileen Blanco, RND MPA na kasalukuyang Regional Program Nutrition Coordinator. Kasama niya sina Bb. Camille Chen, nutrition officer III at Bb. Xylene Ann Notario, information management officer na nagsilbing tagapagsalita sa ginanap na aktibidad.
 
Kanilang ibinahagi ang ilang mahahalagang paksa na makakatulong sa pagpapaunlad ng estado ng nutrisyon sa Palawan kabilang dito ang Updates on Dates of Submission and Liquidations, 2022 e-OPT, Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation (MELLPI) at Local Nutrition Action Plan ng bawat munisipyo.

Isinulat ni: Cyrus Kim D. Claridad / Palawan Governor's Office - Public Relations / PROMO Nutri Com
Kuha ni: Jake Atrero