Kasalukuyang isinasagawa ang Nutrition School On-Air sa lungsod ng Calapan na tumatalakay sa 10 Kumainments o ang pinasimpleng bersyon ng Nutritional Guidelines for Filipinos ng Food and Nutrition Research Institute.
Katuwang ng National Nutrition Council MIMAROPA ang Calapan City Health and Sanitation Department – Nutrition Section at DZSB 104.1 Spirit FM upang maihatid ang kaalaman at gawaing pangnutrisyon sa pamilyang Pilipino.
Ang NSOA ay mayroong labindalawang sesyon na tatalakay sa bawat Kumainment. Sa unang episode nitong ika-3 ng Abril 2022 ay tinalakay nina City Nutrition Action Officer Glenda Raquepo, Nutrition Officer Hazel Anne Masongsong at City Nutrition Program Coordinator Imee Celestino ang Kumainment 1: Kumain ng iba’t-ibang pagkain.
Kanilang ipinaliwanag ang 3 food groups na Go, Grow at Glow para sa konsepto ng pagkonsumo ng iba’t-ibang uri ng pagkain at ang Pinggang Pinoy bilang gabay naman sa tamang dami ng pagkain sa plato tuwing kakain.
Sa dulo ng episode ay nagbigay ng maikling pagsusulit ang mga radio anchors at inanyayahan ang mga nakikinig na ipadala ang kanilang sa sagot sa numerong kanilang ibinigay. Tatlong kalahok na may tamang sagot ang mananalo ng 100 peso load bilang papremyo na iaanunsyo sa sunod na episode.
Nasa 70 na kalahok ang opisyal na nakaregister sa NSOA na binubuo ng mga nanay, tatay, lolo at lola. Ang NSOA ay mapapakinggan sa DZSB 104.1 Spirit FM at mapapanuod rin sa Facebook Live at Calapan Cable (Ch. 64), tuwing Linggo, sa ganap na ika-10 ng umaga.
Isinulat ni: NO II Bianca Estrella