MENU

08252022 NEO PalawanMatagumpay na nailahad ng National Nutrition Council (NNC) sa mga newly elected Local Chief Executives, Chairman ng Committee on Health at mga kinatawan ng iba't ibang LGU gayundin ang bawat Municipal Nutrition Action Officers (MNAO) sa lalawigan ang mandato, adbokasiya at mga programa ng ahensiya upang tugunan ang malnutrisyon sa Palawan sa katatapos lamang na Nutrition Advocacy to Newly Elected Officials na ginanap ngayong araw, Agosto 25, 2022 sa VJR Hall ng gusaling kapitolyo.

Ang aktibidad ay pinangasiwaan ng NNC sa pangunguna ni National Nutrition Council MIMAROPA Nutrition Program Coordinator Ma. Eileen Blanco katuwang ang Provincial Nutrition Office ng Pamahalaang Panlalawigan.
 
Ayon kay Blanco, layunin ng pagpupulong na maipakilala ang NNC sa mga bagong halal na opisyales sa lalawigan partikular sa mga punong ehekutibo upang malaman ng mga ito ang mga kinakailangang programa bilang solusyon sa malnutrisyon sa buong Palawan. Aniya, magiging daan din ito upang malaman ng kanilang tanggapan gayundin ng Pamahalaang Panlalawigan kung ano ang mga karagdagang tulong na maaaring maipaabot sa bawat munisipyo.
 
"Lahat po ng activities ng NNC ay naka focus ngayon sa pagbibigay ng mga kaalaman sa mga newly hired mayors/local chief executives natin sa buong Palawan. Ito ay isa sa mga activities ng NNC MIMAROPA para maipakilala kung ano ang National Nutrition Council, ang mandato, ang mga programa na hinihikayat natin... encouraged them to support by providing funds and of course malaman din natin face-to-face kung ano ang mga pangangailangan nila na puwedeng makatulong ang Provincial Government of Palawan at NNC," ani Blanco.
 
Kabilang din sa mga tinalakay ang Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN), Nutrition Situation in MIMAROPA Region, Investing in Nutrition is Good Governance at Understanding Nutrition in the First 1000 Days of Life for Human Capital Development.
 
Sa pamamagitan naman ni Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel Paladan, inilatag nito ang kasalukuyang estado ng malnutrisyon sa Palawan. Aniya, sa kabuuan ay naging maganda umano ang performance ng lalawigan hingil sa usaping pang nutrisyon.
 
"Magandang balita, sa MIMAROPA ang stand natin number 3 tayo sa underweight children tapos hindi na tayo number 1 sa buong MIMAROPA. Sa loob ng limang taon, pababa naman ang trend natin. So, doon mo makikita ang impact ng mga interventions kung ito po ay nakatutulong para masolusyunan [malnutrition]," ani Paladan.
 
Kaugnay nito, nanawagan naman si Blanco sa mga punong ehekutibo na pondohan at suportahan ang lahat ng mga programang may kinalaman sa pagpapababa ng malnutrisyon sa kani-kanilang mga bayan.
 
"Inaasahan natin na lahat ng nandito na sana pondohan lahat ng programa ng nutrisyon kasi kailangan ng pondo para gumalaw ang programa and of course dapat naka-integrate 'yan sa kanilang plano sa munisipyo at paigtingin ang monitoring and evaluation and we also urged them na sana mag create sila ng mga Municipal Nutrition Office".
 
Dumalo sa pagpupulong sina Engr. Bonifacio M. Madarcos, Executive Assistant IV (Special Asst. to the Governor) na siyang nagbigay ng mensahe bilang kinatawan ni Gob. V. Dennis M. Socrates gayundin si dating Board Member at PADAP Executive Director Eduardo Modesto V. Rodriguez, Mayor Sergio S. Tapalla ng Cagayancillo, Mayor Abner Rafael B. Tesorio ng Sofronio EspaƱola kasama ang mga kinatawan ng iba't ibang bayan at MNAOs.
 
Nagtapos naman ang programa sa pamamagitan ng open forum kung saan nabigyang pagkakataon ang mga ito na maidulog sa pamunuan ng NNC ang mga katanungang may kinalaman sa usaping pangnutrisyon sa kanilang mga lugar.

Written by: PIO Palawan