MENU

Deworming RP2 2021

Photo Courtesy of RP2 918 KHZ

Tuwing buwan ng Enero at Hulyo, ginugunita ang National Deworming Month. Mula sa pangunguna ng Department of Health, hinihikayat nito ang publiko na sumailalim sa deworming o pagpurga at mawala sa katawan ang mga parasites tulad ng bulate.

Likas na sa mga kabataan ang pagiging malikot nito sa kakalaro. Sa murang edad, puno ang isipan ng bawat bata sa kung ano ang ibig sabihin ng bawat bagay sa mundo. Mula sa mga bata na may edad lima pataas, dito na nagsisimulang malikot ang bawat kilos nito mula sa paggapang, paglalakad, paghawak ng anumang bagay, at maging ang pagsubo nito. Isa ito sa mga ikinababahala ng bawat magulang sa kanilang anak.
Hindi natin alam kung anong klaseng mikrobyo ang maaaring makuha ng bata mula sa mga bagay na hinahawakan nito kung hindi mahugasan kaagad. At kapag tuluyang dumapo sa bibig ng mga bata ang kanilang maduming kamay, maaaring magdulot ito ng pagkakaroon ng sakit tulad na lamang ng pagkakaroon ng bulate sa tiyan. Ikinababahala ito ng ilang eksperto dahil kapag hindi agad naagapan, maaaring makarating pa ito sa iba’t ibang parte ng katawan. Paano malalaman kung ang isang tao ay mayroong bulate sa tiyan? Ang pagsakit ng tiyan, pagsusuka, pagtatae, pagkakaroon ng dugo sa dumi, ay ilan sa mga sintomas. Narito ang ilan sa maaring epekto ng pagkakaroon ng bulate sa tiyan: Malnutrisyon, Anemia, panghihina, pagbara ng bituka, Meningitis (kapag napunta ang bulate sa utak), Pulmonya (kapag napunta ang bulate sa baga).

Ang purga o deworming ay ang pagtatanggal ng bulate sa bituka ng isang tao sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot. Ang mga bulate ay kumukuha ng nutrisyon na dapat ay para sa taong apektado. Nagdudulot ito ng pananakit ng tyan at pagsusuka. Maaari din itong maging sanhi ng malnutrition ng bata.

Ang mga karaniwang bulateng tumitira sa tiyan ay ang round worms, tapeworms, pinworms at hookworms. Nakukuha ito sa hindi paghuhugas ng kamay pagkatapos dumumi, humawak ng maduming bagay, humawak ng aso o ng kahit anong bagay na madumi. Maaari ring magkaroon ng bulate sa tiyan sa pamamagitan ng pagkain ng karne na hindi naluto ng maayos o di kaya'y pagkain ng prutas o gulay na hindi nahugasan ng maayos. Maaari ring maging sanhi ang pag-inom ng kontaminadong tubig o pagkain ng pagkaing may taglay ng itlog ng bulate na siya namang nagmula sa dumi ng tao.

Ang pagpurga sa bata maaaring gawin kapag ito ay lagpas dalawang taon na. Sa Pilipinas, 66% ang kaso ng intestinal worm infection na naitala. Malaki ang tsansang mabiktima ng bulate ang mga chikiting nasa edad 2 pataas dahil madalas naglalaro ang mga ito sa mga lugar na may germs at humahawak sa kung anu-anong bagay saka ilalagay ang kamay sa bibig. Maaari ding makuha ng mga bata ang itlog ng bulate sa kanilang mga kalaro kung kaya't mahalagang laging maghugas ng kamay.

Para maiwasan ang pagkakaroon ng bulate sa tiyan, narito ang ilang mga paraan na maaaring gawin:

• Maghugas ng kamay bago at pagkatapos kumain at pagkatapos gumamit ng CR.
• Gupitin ng maikli ang mga kuko ng bata. Madalas ay may mga itlog ng bulate sa ilalim ng kuko ng bata.
• Siguraduhin na malinis at naluto ng maayos ng pagkain ihahanda. Hugasan ng maigi ang mga gulay at prutas.
• Laging magsuot ng sapatos o tsinelas. Ang hookworm ay puwedeng pumasok sa balat ng iyong paa.
• Huwag kung saan saan dudumi. I-flush ang kubeta at magsabon ng kamay.
• Maging malinis sa iyong bahay at kapaligiran.

References:

http://www.doh.gov.ph/node/4329
https://www.facebook.com/DocWillieOngOfficial/posts/404141586447025
http://kalusugan.ph/mga-kaalaman-tungkol-sa-bulate-sa-tiyan/
http://www.radyopilipinas.ph/rp-two/articles/lifestyle/national-deworming-month-ginugunita-tuwiing-buwan-ng-hulyo