Sa buwan ng mga puso, bukod sa paghahanap ng iyong “the one” or di naman kaya paglalahad ng nararamdaman sa nagpapatibok ng iyong puso, higit na dapat pagtuunan din ng pansin ang kalusugan ng iyong puso!
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang Ischemic Heart Disease ang nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino sa taong 2021 at 2022. Paliwanag ng mga eksperto, ang sakit sa puso ay walang pinipiling edad o kasarian.
Ang atake sa puso or heart attack ay nangyayari dulot ng pagbabara sa mga pangunahin or maliliit na ugat patungo sa puso. Ang pagkakaroon ng pagbabara dahil sa blood clot o deposito ng mga kolesterol ay syang sanhi sa pagpigil ng daloy ng oxygen at dugo. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pagsikip ng dibdib, pagkakapos sa paghinga, pagkahilo, pananakit at panghihina ng iba pang parte ng katawan.
Ngayong buwan ng Pebrero, ipinagdiriwang ang Philippine Heart Month na may temang- Gulay at Prutas Araw-Arawin, Matamis, Mamantika, at Maalat Hinay-Hinayin. Ang tema sa taong ito’y isinusulong ang pagtangkilik ng Heart Healthy Diet. Ayon sa Department of Health, ang pagbago ng diet at lifestyle ang maituturing na pinakamainan na paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng heart disease.
Ang mga sumusunod ay mga mahahalagang paalala mula sa 10 Kumainments para mapanatiling malusog ang puso:
- Alalahanin ang Kumainment no. 3: Kumain ng gulay at prutas araw-araw- Ayon sa mga eksperto, ang mga may history ng heart disease ay nararapat na doblehin ang pagkain ng gulay upang mas maiwasan ito. Hindi maitatangi ang nutrisyonal na benepisyo ng mga gulay tulad ng broccoli, cauliflower, spinach, lettuce, bawang, cabbage, carrots, patatas at marami pang iba. Ang mga ito ay nakapagpapababa ng kolesterol, mayaman sa antioxidants at mataas sa fiber. Kung prutas naman, iminumungkahi ng mga Registered Nutritionist-Dietitian na mas mainam na gawing pampalit sa snacks ang prutas kaysa sa mga junkfoods or processed foods. Ang mga prutas gaya ng apple, banana, orange grapes, berries at kamatis ay mayaman sa mga mineral at antioxidants na nakakatulong sa pag-iwas ng heart disease.
- Sundin ang Kumainment no. 8: Hinay-hinay sa maalat, mamantika at matatamis-Marami ng mga pag-aaral na nagsasaad ng mga masasamang dulot ng labis na pagkain ng mga maaalat at mamantika dahil sa mataas ito sa kolesterol. Gayunmay sobrang pagkain ng mga ito ay maaring maging sanhi ng pagkakaroon ng mataas na blood pressure na kalaunan may dudulot ng heart disease.
- Huwag kalimutan ang Kumainment no. 10: Maging aktibo. Iwasan ang alak; huwag manigarilyo- Madalas na iniuugnay ang pagkakaroon ng bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak sa pagkakaroon ng sakit sa puso kung kaya’t mas mabuti nang iwasan o itigil ito. Sa kabilang dako, ang pagiging aktibo ay nakatutulong sa pagbawas o pag-papanatili ng wastong ng timbang at pag bawas ng stress.
Nawa’y ang mga paalalang ito ay inyong gawin mga Ka-Nutrisyon upang tiyak na mapanatili ang malusog na puso!
//Jeanie Belle Castuya-Development Management Officer II
Reperensiya:
Department of Health. 2023. Retrieved from https://doh.gov.ph/node/9296
The Medical City. 2021. Retrieved from https://www.themedicalcity.com/news/heart-disease-not-just-mans-problem
Heart Foundation. Retrieved from https://www.heartfoundation.org.au/bundles/healthy-living-and-eating/keeping-your-heart-healthy
Harvard Health Publishing. 2019. Retrieved from https://www.health.harvard.edu/healthbeat/10-small-steps-for-better-heart-health