MENU

entry 5Itinanghal na kampeon ang mga mag aaral ng Esperanza National High School sa Sultan Kudarat sa kauna-unahang Nutri-DOSE Komiks-Making Contest noong Setyembre 19, 2018 sa General Santos City.
Tulung-tulong na binuo nina Alma Jelyssa Alih, Heart Huromay, Keith Vn Aragon, Egie Gepilano at Jordan Sumido ang komiks na pinamagatang "Paano Na Juan?" na mula sa Sultan Kudarat Division.
Ito ay matapos na usisaing maigi ng mga napiling hurado ang anim na komiks na isinumite ng iba't ibang paaralang inendorso mismo ng Department of Education Region 12.
Kasama rin sa mga lumahok ang Notre Dame Village National High School ng Cotabato City Division, Rotonda National High School ng Koronadal City Division, General Santos City National High School ng General Santos Division, Kabacan National High School ng Cotabato Division, at Nicolas Barreras National High School ng South Cotabato Division sa nasabing patimpalak.
Lubos na nangibabaw ang komiks ng Esperanza National High School dahil sa pagkakagawa ng istoryang angkop sa tema at akmang akma sa makabagong kabataan.
Ayon kay Dominic Villegas, isang graphic artist at hurado, maganda ang pagkakagawa ng komiks at talagang makakakuha ng atensyon ng mga mambabasa.
Makakatanggap ng sampung libong piso ang mga nagwaging mag-aaral at ang pagkakataong mai-publish ang kanilang obra sa tulong ng National Nutrition Council Region 12.
Ang Nutri-DOSE Komiks Making Contest ay isinagawa bilang pagsuporta sa 2018 National Nutrition Month na may temang "Ugaliing Magtanim, Sapat na Nutrisyon Aanihin" sa pagtutulungan ng National Nutrition Council Region 12 kasama ang Nutrition in Development Organization of Social Educators (Nutri-DOSE) ng SOCCSKSARGEN.

By: JAKE MANERO/Nutri-DOSE