Tinanggap ni butihing Mayor Lenlen Oreta III ang “standee” ni “Mang Moi” mula sa National Nutrition Council – National Capital Region (NNC-NCR) sa isang payak na programa noong Setyembre 22, 2015 sa Catmon Covered Court, Barangay Catmon, lungsod na ito.
Isinalin ng NNC-NCR sa pamamagitan ni Nutrition Officer II Thesa Rivas ang naturang “standee” na may dalang “Ten Kumainments,” o ang 10 Gabay sa Wastong Nutrisyon sa City Nutrition Committee ng Malabon na pinangungunahan ni Mayor Lenlen Oreta at City Nutrition Action Officer, Chef Melissa Sison-Oreta.
Dinaluhan ng mahigit 170 mamamayan ng Catmon ang okasyon, na kinatampukan din ng detalyadong pagtalakay kung paano maaabot at mapapanatili ang wastong kalusugan sa pamamagitan ng tamang pagkain at araw-araw na gawi.
Tampok rin sa maikling programa ang mga palarong pampamilya sa tema rin ng wastong nutrisyon.
Ayon sa “Ten Kumainments,” kailangang kumain ang bawat isa ng iba’t-ibang pagkain.
Kailangan sa araw-araw ang gulay at prutas; ang isda, karne at ibang pagkaing may protina; gatas at mga pagkaing mayaman sa calcium; malinis at ligtas na pagkain at inuming tubig; at maging ang iodized salt.
Dapat din umanong maghinay-hinay sa maalat, mamantika at matatamis, at habang pinapanatili ang wastong timbang ay dapat maging aktibo at umiiwas sa alak at sigarilyo.
Kaaya-ayang ipinaabot ni Mayor Lenlen ang taus-pusong pasasalamat sa NNC-NCR, at sampu ng kanyang maybahay at CNAO Melissa Sison-Oreta, ay ihinayag din ni Mayor Lenlen ang buong pagsuporta sa diwa ng programang iyon.
Ayon kay Mayor Lenlen, kapag malulusog ang mamamayang Malabonian ay madali ring kamtin ang pag-unlad at mga pangarap sa buhay.
Written by Public Information Office of Malabon City