MENU

buenavista articleLUNGSOD NG LAGUNA, 27 Marso -- Upang mas mapaganda pa ang antas ng nutrisyon ng mga nasasakupan sa bayan ng Buenavista, nag hire ito ng mga coordinators na may pangunahing layunin na palakasin ang programang F1K at Q1K . Ito ay may layuning wakasan ang stunting o pagkabansot.

Ang bayan ng Buenavista ay isa sa labinlimang (15) bayan sa Calabarzon na nabiyayaan ng programang Early Childhood Care and Development in the First 1000 Days Program o ECCD F1K (First 1000 Days) at Q1K (Quezon’s First 1000 Days). Makasisiguro na ang mga benepisyaryo ng programa na sila ay makatatanggap ng kumpleto at tamang serbisyo pang nutrisyon, kalusugan, social, at pang-agrikultura.

Idol ko si Nanay at Participatory Cooking Demo

Halos dalawang taon nang ipinapatupad sa bayan ng Buenavista ang programa at marami pang ibang inisyatibo ang nasabing bayan. Sa “Idol ko si Nanay” at “Participatory Cooking Demo” ipagpapatuloy ang pagturo sa mga nanay (buntis at nagpapasuso) at tagapangalaga ng bata (0-2 taong gulang)  kung papaano ang wasto at sapat na ekslusibong pagpapasuso (para sa 0-6 buwang gulang na bata) at paghahanda ng karagdagang pagkain (para sa anim na buwang gulang na bata pataas).

Hindi lamang wastong pagpapakain at tamang nutrisyon ang binibigyan ng pansin kundi pati na rin ang tamang development at paglago ng bata na namomonitor nila kasama ng mga magulang ng bata sa pamamagitan ng child development milestone checklist – isa rin sa mga aktibidad na nakapaloob sa F1K Program.

Halaga ng Karagdagang Tao

Ayon sa Municipal Nutrition Action Officer (MNAO) ng Buenavista na si Ms. Denzdy Ai Ai Rivera Tan “ Ang butihing punong bayan na si Hon. Maria Remedios U. Rivera ang nagkaron ng ideya na mag-hire ng mga coordinators. Ito ay sa kadahilanang nakita niya ang pangangailan sa karagdagang tao upang matutukan ng maayos ang programa.”

Dagdag pa ni Ms. Tan, “At dahil dito, ang mga coordinators ay magiging katuwang ng ating mga Barangay Nutrition Scholars at Barangay Health Workers sa maayos na pagpapatupad ng programa.” Nabanggit din ni Ms. Tan na “Madami pong benepisyo lalo na po sa funding kasi katulad po namin na nasa 4th class municipality lang, need po namin ng ganitong tulong upang magpatupad ng magagandang programa dito sa aming bayan.

Ang Programang F1K at Q1K

Ang programang F1K at Q1K ay lubos na nkakatulong sa unang 1,000 days ng buhay ng isang bata upang maging maganda at maayos ang kanilang paglaki. Mas nagkakaroon ng kaalaman ang isang buntis kung paano nila alagaan ang kanilang sarili at kung paano nila palalakihin ng tama ang kanilang anak.

Binigyan diin din ni Ms. Tan na “Ito po ay dahil sa “Idol Ko Si Nanay” Learning Sessions at Cooking Demo. Ang pamamahagi ng mga pananim ay isa din pong malaking tulong sa amin, sapagkat ang bawat bahay dito sa amin ay may madaling mapagkukunan ng pagkain sa panahon ng pangangailangan, lalo na sa panahon ngayon na may COVID-19.”

Kapuri puri ang Bayan ng Buenavista dahil bilang isang 4th class municipality sa Probinsya ng Quezon, sila mismo ang nagbigay ng pondo upang magkaron pa sila ng karagdagang manggagawa na tututok sa sector ng nutrisyon. Sila ay maaring tularan at maging modelo ng iba pang bayan.

Ni: Zarah Clarice T. Megino