Pinaalalahanan muli ng National Nutrition Council (NNC) ang lahat ng Local Nutrition Council (LNC) ukol sa mahigpit na pagbabawal ng pagbibigay ng mga infant formula milk para sa mga bata bilang donasyon sa mga kababayan nating lubos na naapektuhan ng ng COVID-19 lockdown.
Ang mahigpit na pagpapatupad ng “No Milk Donation Policy” ay nakasaad sa Nutrition Cluster Advisory No. 01. Ito ay may mga panuntunang nakapaloob sa EO 51 (“The Milk Code”, RA 11148 o “Kalusugan at Nutrisyon ng MagNanay Act”) at DOH Guidelines.
Ang Nutrition Cluster Advisory No. 01. ay pinirmahan ni Dra. Azucena M. Dayanghirang, Executive Director ng NNC at Chairperson ng National Nutrition Cluster noong March 23, 2020. Binigyang diin sa Advisory ang pagpalagnap, pagprotekta at pag suporta sa eksklusibong pagpapasuso lamang at ang tama at sapat na pagkain para sa mga sanggol edad 0-6 na buwan.
Pagbabawal ng mga Donasyon ng Infant Formula Milk
Kasama rin sa mahigpit na ipinagbabawal ay ng pagbibigay ng mga donasyon kagaya ng breastmilk substitutes (kagaya ng infant milk formula, powdered milk, at iba pang uri ng gatas na nakakapagpahina sa daloy ng gatas ng ina), feeding bottles (o dedehan) at mga commercial baby food . Ang mga nabanggit na donasyon ay hindi rin dapat isama sa emergency food packs na ipinapamahagi sa mga pamilya.
Karagdagang Payo ng NNC
Sa gitna ng suliranin dulot ng COVID-19 lockdown, narito ang mga karagdagang payo ng NNC:
- Lahat ng nanay na nasa at-risk at apektadong lugar na nararakanas ng mga sintomas ng COVID-19 (gaya ng lagnat, ubo o hirap sa paghinga) ay dapat sumangguni sa pinakamalapit na health center o ospital upang magpatingin at mangyaring sumunod sa mga payong ibibigay sa kanila.
- Sumangguni kaagad sa mga health center at ospital para sa atensyong medical kung ang mga nanay o ang kanilang mga anak ay may nararamdamang sintomas (gaya ng lagnat ubo o hirap sa paghinga).
- Tumawag o magsabi kaagad kung sila ay nagmula sa mga lugar na apektado ng COVID-19 o may nakahalubilong taong naggaling sa mga apektadong lugar at may mga sintomas na nararamdaman.
- Ang mga sanggol o batang sumususo pa na mayroong sakit o namatayan ng nanay ay maaring mangailangan ng kapalit na pagkain na may kasing tumbas na sustansya kagaya ng pasteurized donor breastmilk para sa mga bagong silang na sanggol na may sakit at kulang sa buwan at donated breastmilk, sa pamamagitan ng wet nursing.
- Para sa mga tagapangalaga ng mga sanggol at bata na hinihinala or kumpirmadong may COVID-19, sila ay pinapayuhang na sumunod sa mga payo upang maiwasan ang pagkalat ng virus kung patuloy na nagpapasuso ng sanggol o magpapakain ng mga bata.
Ang Pagpapasuso Kung May Sintomas ng COVID-19
Para sa mga nanay (na may nararamdamang sintomas ngunit kayang magpasuso ng kanilang mga anak) at tagapangalaga ng mga sanggol, sila ay pinapayuhang gawin ang sumusunod: 1) Magsuot ng pansariling proteksyon gaya ng mask tuwing lalapit o magpapasuso; 2) Maghugas ng kamay bago at pagkatapos makasalamuha ang bata (kasama ang pagpapasuso); at 3) Maglinis ng mga kagamitan sa bahay gamit ang tubig na may halong chlorine at suka upang mapuksa ang virus.
Kung ang nanay ay di kayang magpasuso, kailangan siyang hikayatin na mag express ng kanyang gata upang maibigay ito sa kanyang sanggol o anak gamit ang malinis na baso o tagayan at/o kutsara at sundin pa rin ang mga nabanggit na pag iingat upang maiwasang ang pagkalat ng virus.
Mga Paalala ng DOH
Mga paalala mula naman sa DOH Admin Order 2005-0014 (National Policies on Infant and Young Child Feeding): 1) Ang pagpapasuso ang una at pinakamagandang pamamaraan ng pagbibigay ng pagkain para sa mga sanggol at bata; 2) Ang nanay at ang kanyang anak ay dapat manatiling magkasama at mabigyan ng suporta at tamang pagkain sa lahat ng pagkakataon. .
Iminumungkahi ng DOH ang sumusunod na mga pamamaraan ng pagbibigay ng gatas ng ina sa mga sanggol: a) Ang gatas ng ina ang una at pinakamabuting pagkain para sa sanggol; b) Expressed milk ay galing sa nagpapasusong nanay, na ibibigay sa pamamagitan ng maliit na baso o kutsara; c) Papasusuhin ang bata sa tulong ng ibang nanay na nagpapasuso (wet nursing); at d) Gatas ng ina mula sa mga human milk bank, ibibigay sa pamamagitan ng maliit na baso o kustsara.
Kung mangyaring alinman sa mga nabanggit ay hindi maaring gamitin para sa sanggol, saka pa lamang maaring maghanda ng infant milk formula (tatanggalan ng tatak) ang mga Barangay Nutrition Scholar (BNS) at Barangay Health Worker (BHW) sa isang lugar upang ipapamahagi sa mga nanay at upang sabayang mapainom ang mga sanggol gamit ang maliit na baso.
Para sa iba pang detalye at kumpletong nilalaman ng NNC Nutrition Cluster Advisory No. 01, magpauta lamang sa https://nnc.gov.ph/index.php/39-featred-articles/3629-nnc-issues-guide-for-local-nutrition-cluster-actions-for-covid-19-affected-populace.html para sa kopya ng advisory.
Ni: Ma. Jhonnadelle Ritz H. Castillo