MENU

mulanay covid19PROBINSYA NG LAGUNA, 6 Abril –Patuloy ang “Aksyon Kontra sa Malnutriyon” sa panahon ng lockdown sa Mulanay, sa tulong at pagmamalasakit ng ating mga frontliners. Sila ang mga masisikap at masisipag na Barangay Nutrition Scholars, mga midwives, mga nurses, mga staff ng Rural Health Unit at iba pang kawani ng gobyerno.

“Naipamahagi sa 28 na barangay at a mga taong nasasakupan nito ang kumpletong set ng Emergency Nutri-Pack,” ayon kay Ms. Rona P. Rogelio, Assistant Municipal Nutrition Action Officer ng Mulanay. Ang Emergency Nutri-Pack ay naglalaman ng Ready-to-Use Supplementary Food (isang fortified paste na ginawa para sa mga bata anim na buwan pataas na may Moderate Acute Malnutrition), Nutri Snacks at Nutri Blend (mga karagdagang pagkain para sa batang anim na buwan at pataas), Vitamin A, Deworming Tablet, at vegetable seeds na pananim tulad ng pechay, mustasa, at sitaw ang kanilang naipamahagi.

Sa ngayon, umaabot na sa 300 bata ang nabiyayaan na ng nasabing Emergency Nutri-Pack. Prayoridad ang mga batang may Severe Acute Malnutrition (mga batang may MUAC na mas mababa pa sa 11 cm) at Moderate Acute Malnutrition (mga batang may sukat ng MUAC sa pagitan ng 11cm – 12.5cm). Nagawa nilang ma-assess ang mga bata sa pamamagitan ng MUAC tapes na hawak ng mga midwife kada baranggay.

Naisakatuparan ang pamamahagi ng Emergency Nutri Packs sa tulong ng opisina ng Provincial Nutrition Action Office ng Quezon dahil ang bayan ng Mulanay ay nabiyayaan ng 10 boxes ng Nutri Snacks (150 piraso kada kahon) and 3 boxes of Nutri Blend (300 piraso kada kahon). Kaakibat sa pagbahagi ng mga binhing pananim ay ang opisina ng Pambayang Agrikultura.

Malaki din ang pasasalamat kay kagalang-galang JT Q. Ojeda II, ang butihing punong bayan ng Mulanay, na nagnigay ng permiso na gamitin ang ambulansya upang kunin ang mga suplay sa Lucena City at tumulong na mag-repack at mag distribute ng mga Emergency Nutri-Pack.

Nang tanungin natin muli si Ms. Rona kung ano ang nagtutulak sa kanila na gawin ang lahat ng iyon, ito ang kaniyang sagot. “Actually, love po talaga, love para sa mga batang Mulanayin. Our Municipal Mayor wants to resolve the problem of malnutrition in our municipality. Sa pangunguna po niya, at sa tulong na din ng aming MNAO na si Dr. Laguerta kaya po ito ay nagawa namin. Alam po naming biglaan at medyo mahaba-haba ang ECQ kaya talagang pinilit ng aming bayan na maka-kuha ng suplay kahit last minute na.”

Bilang naging saksi sa malalim na sakripisyo at pagsisikap na ginagawa ng pamahalaan ng Mulanay para sa kanilang mga nasasakupan -- maaari pa natin palawakin sa ating mga bayan ang ganitong pagsisikap at pag alay ng tuloy tuloy na serbisyo sa mga taong bayan. Nawa’y dumami ang mga magiging modelo ng iba pang bayan.

ni Zarah Clarice T. Megino