CALAMBA CITY – Malaki ang pasasalamat ng mga mamamayan na nasa isla ng Polillo at Alabat sa dedikasyon ng mga frontliners at health workers na patuloy na nagbibigay ng kanilang serbisyong pangkalusugan sa Reproductive Health Units (RHU) at Barangay Health Stations (BHS). Hinahangaan din sila dahil hindi hadlang ang hirap at banta ng Covid-19 sa kanilang kalusugan upang patuloy silang makapaglingkod sa mga tao.
May mga serbisyong pang nutrisyon sa Polillo ang pansamantalang hindi na muna nagawa nguni’t tuloy tuloy pa rin ang ibang serbisyo kagaya ng pagbibigay ng bakuna sa pamamagitan ng home service. Kadalasan naman, ang consultation ay sa pamamagitan ng text o chat na lang. Nagkaroon din ng disinfection mula pa lamang sa Port of Real para sa mga tao at ayudang pumapasok sa isla.
Binibisita din ng mga BNS at BHW ang mga residente sa kani-kanilang mga bahay upang mabigyan ng mga vitamins, RUSF para sa mga buntis na mababa ang timbang at RUTF naman para sa mga batang kulang sa timbang, kahit na ang mga nasa malalayo at liblib na sitio.
Patuloy din ang frontiners sa pagsubaybay sa nutritional status ng mga buntis at bata sa gitna ng ECQ. Sinisigurado din na sila ay mayroong face mask at alcohol tuwing magbibisita sa komunidad at magbabahay bahay. Ang pagkakaroon ng supply ng gamot, RUTF, RUSF at mga bitamina bago pa man magdeklara ng ECQ ay ipinapasalamat din ng mga tao sa isla.
Upang mapanatili ang tuloy tuloy na paglilingkod sa mga tao, pinapayuhan ni Dra. Ramos ang lahat ng mga kagaya niyang health workers na sana ay manatili silang malusog, malakas at hindi magsawa ng pagbabantay sa bayan at bansa. Kailangan din ang patuloy na ugnayan at pagpaplano kung paano ba malalampasan ang pandemyang ito.
Dagdag ni Dra. Ramos, “Patuloy na pag tutulungan at pagkakaisa upang muli tayong makabangon. Sa panahong ito rin nakita natin ang pagdadamayan ng bawat tao sa ating lipunan. Maraming may mabuting puso ang mga nagpapadala ng pagkain at tulong sa mga frontliners kaya hindi naman kami masyado nanghihina. Lagi pa rin full of energy.”
Naitalaga si Dra. Ramos bilang Vice Chairman ng Inter-Agency Task Force for Management of the Emerging Infectious Disease (IATF) sa Polillo kung saan nagkaroon ng madalas na pagpupulong upang bigyan ng ulat ang mga kapitan sa ginagawang pagsubaybay sa dami ng cases sa kanilang lugar at iba pang mga detalye ukol sa COVID-19.
Ayon naman sa community nurse na si Bb. Suzette S. Caballes mula sa Alabat, Quezon,”Mahirap na masaya ang pagiging community health nurse dahil kailangan pa rin nilang makapaghatid ng serbisyong medikal sa komunidad. Katulad ng pabibigay ng immunization na siyang magiging proteksiyon ng mga sanggol at bata kaya’t hindi ito dapat ipagwalang bahala. Sa mga buntis naman, mas lalong nararapat ipagpatuloy ang prenatal check-up upang masubaybayan ang kanilang kalusugan pati na ng sanggol sa kanilang sinapupunan.”
Batid ni Nurse Suzette na makakayanan malampasan ng bawat isa ang pandemyang ito basta tulong-tulong at magkaroon ng higit na pag iingat lalo na ang health workers. Dagdag pa niya, “Kailangan nating alagaan an gating sarili para maalagaan natin ang ibang tao.”
Mula ng magdeklara ng ECQ sa kabuuan ng Luzon noong March 16, 2020, nakapagtala ng suspected cases at person under monitoring (PUM) ang munisipalidad ng Polillo at Alabat. Sa isla ng Polillo, mayroong 36 suspected cases habang 896 naman ang person under monitoring. Samantalang sa kabilang isla naman ng Alabat ay nakapagtala ng 7 suspected cases at 29 lamang ang person under monitoring.
Marami ring pagbabago ang naganap sa isla, ayon kay Dra. Ramos. Sabi niya, “Una sa lahat ay yung stress na dulot ng pandemya sa bawat isa. Bagamat hindi na kasindami ang mga pasyenteng bumibisita sa RHU ang dumadating araw araw, ramdam na ramdam niya at ng kanyang mga kasamahan ang pag-aalala sa pagbibigay ng serbisyo na kailangang samahan ng doble pag iingat. “
Dag ni Dra. Ramos, “Nariyan ang pakiramdam na tila labis na pagod at panlalambot tuwing matatapos ang isang buong maghapon. Nawala na ang kanyang touch therapy sa mga pasyente dahil sa face shield at mask habang nagkukonsulta ng pasyente. Isa sa mga hindi niya malilimutang pangyayari ay noong makiisa siya sa triage sa port ng Real. Ang triage ay nagsimula ng ika-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga, kung saan nasa 200 kataong papasok sa isla ang kanilang sinuri at nakapanayam.”
Bago pa man sumailalim sa mahigpit na seguridad ang buong Luzon, ang mga munisipalidad sa Quezon na nakalagak sa mga isla gaya ng Polillo at Alabat ay regular na nakapaghahahatid ng mga serbisyong pangkalusugan at nutrisyon sa komunidad. Ayon kay Nurse Suzette, sila at ang kanyang mga kasamahan sa Rural Health Unit (RHU) ay nakakapagbibigay ng regular na prenatal check-up at family planning sa mga buntis at mag asawang bumibisita at nagpapasuri.
Mayroon ding mga serbisyong pangkalusugan para sa mga bata gaya ng immunization, pagbibigay ng vitamin A supplementation, deworming, RUSF, RUTF, Micronutriniet Powder (MNP) at iba pang bitamina. Binibisita rin nila ang mga ito upang timabangin at kuhanan ng height sa taunang Operation Timbang na pinapangunahan ng mga Barangay Nutrition Scholar (BNS) at Barangay Health Worker (BHW) sa mga barangay.
Si Dra. Marina Ramos naman, bilang Municipal Health Officer at Municipal Nutrition Action Officer (MHO/MNAO) ng Polillo ay may tungkuling tingnan at suriin ang mga pasyente mula sa ibat ibang mga barangay gayundin ang mga person deprived of liberty (PDL) o inmates. Bilang isang doktor, nakakapagbigay siya ng serbisyong medikal sa 50 hanggang 80 pasyente sa loob ng isang araw na sumasadya sa RHU ng buong dedikasyon at walang pagod.
Kung may mga pasyente na nag hihintay sa kanyang bahay, sinusuri rin niya ang mga ito at binibigyan ng karampatang lunas. Kada buwan, mayroon siyang binibisitang malalayong barangay at umuupo rin siya sa pagpupulong ng mga BNS tuwing unang miyerkules at unang biyernes naman para sa mga BHW. Nariyan din ang pakikiisa niya sa mga patawag na pulong at iba pang gawain ng probinsya at regional office.
Ni: Ma. Jhonnadelle Ritz H. Castillo