Mayo 26 – Kamakailan lang ay naging patok sa mga netizens ang isang post sa NNC Calabarzon Region facebook page na nagpapakita ng mga masusustansya at madaling lutuin na mga recipes gamit ang mga de latang pagkain na karaniwang nakapaloob sa “food packs” na ipinamamahagi sa mga kabahayan ngayong may pandemya.
Ipinapakita sa mga recipes kung paano gagawing mas masustansya ang pagkain sa pamamagitan ng paglalahok ng gulay na available ngayong panahon ng quarantine. Umani ito ng mahigit sa 3,400 likes at magagandang kumento.
Ito ay patunay na ang Covid-19 pandemya at ECQ ay hindi hadlang upang tayo ay makapaghain ng masarap at masustansyang pagkain. Kailangan lang natin gamitin ang ating pagiging malikhain sa ating mga lulutuin. Kung sakali namang hindi pa sanay sa pagluluto, maaaring tumingin sa mga recipes sa mga libro o di kaya’y sa social media kagaya ng youtube at facebook.
Ang pagiging maingat sa mga kinakain ay isang mabisang paraan upang mapangalagaan ang ating kalusugan. Kaya naman, bagama’t naging limitado ang pagpili at pagbili natin ng pagkain ngayong panahon ng Covid-19 pandemic, hindi ito dapat maging sanhi upang tayo ay magpabaya at hindi kumain ng tama.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga matatanda at ang may mga iba pang kondisyong pangmedikal (kagaya ng hika, diabetes, at sakit sa puso) ay lumalabas na mas mahina ang panglaban sa paglubha ng sakit na dala ng virus.
Ang iba sa mga kondisyong pangmedikal na ito na tinatawag ring non-communicable diseases ay maaaring makuha sa hindi tamang pagkain. Dahil dito, pang-anim (6) sa Advisory No. 1 ng National Nutrition Cluster ang pagpapayo sa mga kabahayan at mga ina na iwasan o bawasan ang pagbili at pagkonsumo ng mga naprosesong pagkain na mataas sa asin, asukal, taba at mababa sa mahahalagang sustansya.
Ang pagkain ng sobrang mataas sa sodium at taba ay pwedeng maging sanhi ng pagtaas ng presyon ng dugo at iba pang sakit sa puso. Samantalang diabetes o mataas na asukal sa dugo naman ang pwedeng maging epekto ng sobrang pagkain ng mga matatamis na pagkain.
Kapag tayo ang nagluluto ng ating sariling pagkain, pwede natin makontrol ang bawat rekado at panimpla na ihahalo natin sa ating mga lutuin. Pumili ng luto na hindi kailangang gumamit ng masyadong maraming mantika kagaya ng nilaga at ginisa.
Hangga’t maaari ay sariwang karne at gulay ang ating gamitin dahil mas siksik ito sa sustansya. Kung delata ang gagamitin, iwasan na rin ang masyadong pagdadagdag ng mga pampaalat sapagkat ito ay mataas na sa asin.
Ni: Mary Emerene P. Pingol