MENU

aamm bns articleAng  mga Barangay Nutrition Scholars o BNS ang ating mga bagong bayani.   Kasama ng ibang mga frontliners kagaya ng mga mga doctor,  nars,  pulis at  sundalo – sila ay patuloy at taos pusong  kumikilos upang makapagbigay ng tulong sa mga kababayan natin sa kabila ng mga  panganib na kanilang hinaharap.

Dahil sa COVID-19 nadagdagan ang kanilang mga  karaniwan ngunit mapanghamon na mga   tungkulin.  Sila ngayon ay  katuwang ng mga Local Government Units (LGUs) para mas maging mapayapa at matiwasay ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Silipin natin ang ilan sa mga kahanga hangang sakripisyo ng ilan sa mga BNS kagaya ni Ms. Esherill “She” Pullan ng Barangay Palayan, Liliw, Laguna at Sir Michael “Mitch” Leonido o “Mitch”  ng Barangay Pinugay, Baras, Rizal.

Si Ms. She at Sir Mitch, kagaya ng ibang mga BNS, ay tumutulong  sa pagrerepack at pag-aayos ng mga food packs. Sila din ang  pumupunta  sa mga bahay bahay para ipamahagi ang mga food packs. Ito ay para maiwasan ang paglabas ng mga tao.

Parte din ng tungkulin nilang mga BNS ang pag patrol sa mga checkpoint para mabantayan at makuhanan ng temperature ang mga pumapasok at lumalabas ng kanilang komunidad. Minsan sila ay  naatasan din  na bisitahin at bigyan ng food packs ang mga Person Under Investigation (PUI) at Person Under Monitoring (PUM) ng kanilang barangay.

Katuwang din ng CWSDO  ang mga BNS para sa pakikipanayam sa mga mamamayan ng maaaring magkwalipika sa Social Ameliaration Program (SAP). At upang mas mapabilis ang serbisyo sa kanilang mga kabarangay, katulong din sila sa pamimigay ng mga buto ng gulay at paghihikayat sa mamamayan na magtanim sa kanilang sariling bakuran para maisulong ang food security at urban vegetable gardening na payo din ng Department of Agriculture sa sambayanan Pilipino.

Bagama’t maraming naitutulong and mga BNS sa mga kabarangay, hindi pa rin maiwasan ang  mga sumasalungat sa kanila. Ayon kay Ms. She,   may  mga taong bumabatikos at kumukwesyon sa kaniyang kakayahan bilang BNS, ngunit umiiral pa rin ang tiwala at kumpiyansa niya sa kanyang sarili.

Andiyan rin ang pangamba ni Sir Mitch sa kanyang kalusugan at kaligtasan. Bilang isang frontliner, iniisip niya ang kapakanan ng kanyang pamilya na maaring mahawahan niya dahil sa kanyang trabaho.

Kung may balakid, mayroon din namang  mga bagay na maipagmamalaki ang mga BNS. Para kay Sir Mitch, daig niya pa ang may mataas na pinag-aralan sa dami ng oportunidad na binigay sa kanya na makalahok sa mga training at seminars upang mapalawak ang kanyang kakayahan at kaalamanan para maibigay ang tamang serbisyo sa taong bayan.

Para kay Ms. She, nagpapasaya sa kanya ang magampanan ang tungkuling iniatas sa kanya na may kasamang puso at dedikasyon. Noong wala pang COVID-19,  karaniwang tungkulin niya bilang BNS ay mag-ikot ikot sa kanilang barangay para kunin ang timbang at taas ng mga bata, makipag-usap sa mga buntis, magmonitor ng blood pressure ng mga matatanda, sumama sa mga medical mission at feeding program ng kanilang bayan at boluntaryo din siyang tumutulong sa mga aktibidad ng kanilang barangay.

Bago mag quarantine, ang ilan naman sa mga karaniwang tungkulin ni Sir Mitch ay ang  pagmonitor ng mga batang kulang sa timbang at taas at pagbibigay ng Ready-to-use Supplementary Food (RUSF) at Ready-to-use Therapeutic Food (RUTF) para magbalik ang normal nilang timbang. Sinasamahan niya  ang mga buntis at bata magpabakuna, binibisita  ang mga nanay na kasama sa Early Care and Childhood Development First 1000 Days (ECCD-F1K) at ginagawang imonitor ang kanilang pananim na gulay sa kanilang sariling bakuran.

Tinuturuan din ni Sir Mitch ang mga ina sa kahalagahan ng F1K ni baby at tamang pagpapasuso. Kasama na dito ang pagbibigay ng mga IEC materials na makakatulong sa pinagdadaanan ng ina.

Tuwing Martes din ay nag-iikot si Sir Mitch  sa kanilang barangay para mabigyan ng deworming at patak ng Bitamina A ang mga batang hindi pa nabibigyan nito. Tuwing Huwebes naman ay bumibisita siya sa kanilang talipapa para suriin ang binebentang asin ay yung iodized lamang.

Ang programa ng BNS ay nagsimula noon pang 1979 nang isinakatuparan ang Presidentail Decree No. 1569 na nagsasaad na magkaroon ng isang (1) BNS sa bawat barangay para mamonitor ang nutritional status ng mga bata at ibang pang grupo ng maaaring mangailangan ng tulong pangnutrisyon.  

Si Ms. She at Sir Mitch ay dalawa lamang sa mukha ng libo libong mga BNS ngayon na nagsisilbi sa bayan sa kabila ng pandemya. Sa kasalukuyan, mayroong 5,427 BNS sa buong CaLaBaRZon. Kilalanin natin ang kanilang kabayanihan.

Ni: Alistaire Anne M. Matocinos