June 5 –Upang mapaghandaan at mapag-usapan ang mga pagbabago na kailangan ipatupad at dapat gawin sa pagbabalik opisina ng mga empleyado sa NNC-CaLaBaRZon, nagkaroon sila ng pagpupulong sa pamumuno ni Ms. Carina Z. Santiago, ang kanilang Regional Nutrition Program Coordinator. Ito ay matapos madeklara ang GCQ (General Community Quarantine) sa iba’t ibang mga rehiyon.
Ang mga pagbabago ang siyang tumutukoy sa sinasabing “new normal” sa work arrangement sa panahon ng pandemic. Kaya naman ang napagkasunduan ay ang kombinasyon ng “Work-from-Home,” “Compressed Work Week” at “Skeleton Work Force.” Ipinahayag at ipina-unawa din sa mga empleyado na dapat magkaroon ng physical distancing upang maiwasan ang magkahawaan ang mga empleyado lalung lalo na ang mga mas nakakatanda at ang may mga sensitibong sakit.
Kasama sa mga mahahalagang bagay na isinaalang-alang sa pagpapatupad ng mga pagbabago sa work arrangement ay ang mga sumusunod: kasalukuyang kalagayan ng pangkalusugan, edad, estado at edad ng mga kasama sa bahay at lugar kung saan nakatira ang mga NNC Calabarzon staff. Siniguro din na bawat linggo ay may sapat na empleyado na papasok sa opisina upang matugunan ang mga kailangan dokumento, at iba pang gawain.
At dahil ipinagbawal na ang mga mass gatherings, ang mga meetings at seminars ay napalitan na ng “virtual meetings”. Nagkaroon na rin ng mga bagong kagamitan sa opisina kagaya ng beddings at mga pangluto upang ang mga empleyadong papasok ay may magagamit sa pagtulog. Ang mga uuwi naman ay ihahatid-sundo ng sasakyan ng opisina. Kasama pa rin sa bagong kaugalian ang pagsusuot ng face mask o face shield, palagiang pagdidisinfect ng kamay, at paghihiwahiwalay ng upuan.
Ang opisina ng NNC CaLaBaRZon ay sumusunod rin sa CSC Memorandum Circular 10, s. 2020, kung saan nakasaad na bago magpatuloy ang pagbabalik operasyon ng opisina, kailangan magsagawa ng disinfection at decontamination sa lahat ng mga pasilidad at sasakyan. Ang disinfection ay dapat maging parte ng regular na pagpapanatili at pangangalaga ng ahensya. Kaya naman bago pa ang unang araw ng pagpasok ay nag disinfect na ng utility personnel ng opisina at inihanda ang mga disinfecting mat, alcohol, sanitizer at thermal scanner.
Unang nagbalik-trabaho ngayong GCQ ay ang kalahati o 50 % ng empleyado ng NNC CaLaBaRZon (NNC 4A). Sila ay kinabibilangan ng mga admin staff, technical staff at ang utility personnel. Sila ang mga unang nakasubok ng mga bagong panuntunan sa opisina.
Si Mr. Marcel Baliatan, ang Administrative Aide ng NNC 4A, ang tagapag-hatid-sundo sa mga empleyado. Ayon sa kanya, upang maisagawa pa rin ang physical distancing, nililimitahan ang bilang ng mga tao na pinapayagang sumakay sa loob ng sasakyan. Ang lahat ng sasakay ay kailangan rin nakasuot ng face mask. May sanitizer at gloves rin na inilagay sa loob ng sasakyan. Ito rin ay lagi niyang nililinis at nadi-disinfect araw araw.
Lahat ng health and nutrition workers ay magsagawa rin ng standard hygiene measures at physical/social distancing tuwing mag aasikaso ng mga kliyente. Ito ay nakasaad sa inilabas na Nutrition Cluster Advisory No. 01 Series 2020. Kaya naman, ang bawat empleyado ay binigyan ng sariling personal protective equipment (PPE) tulad ng face mask, face shield at gloves.
Ang mga kliyente ng opisina ay kailangan rin umapak sa disinfection mat, kukuhaan muna ng body temperature gamit ang thermal scanner, maglilinis ng kamay gamit ang alcohol at magsulat ng pangalan at petsa ng pagpunta sa logbook bago pumasok ng opisina.
Pinapaalalahanan pa rin ang lahat, na sa kabila ng bahagyang pagluwag ng quarantine, hindi pa rin natatapos ang panganib na dulot ng Covid-19. Pinapaalalahanan pa rin ang lahat na iwasan ang paglabas ng bahay kung wala naman importanteng pupuntahan, panatilihin pa rin ang pagkakaroon ng physical distancing, laging pagsusuot ng face mask at ang gawing madalas na paghuhugas ng kamay.
Ni: Mary Emerene P. Pingol