MENU

NUTRI BUNLAGUNA, 28 Agosto – Ngayong panahon ng community quarantine kung saan maraming nawalan ng hanapbuhay at nahihirapan sa mga pangangailangang pang nutrisyon ng kanilang pamilya, malaki ang maitutulong ng enhanced nutribun o e-nutribun   upang mas mapabuti ang nutritional status ng mga bata lalo na ang  may mga  problema sa malnutrisyon.  Kaya naman ang ating gobyerno, sa tulong at pangunguna ng  DOST-FNRI, ay gumawa ng “reformulated ingredients” ng nutribun upang magkaroon ng tinatawag na enhanced nutribun o e-nutribun.  

Kamakailan lamang, nakiisa ang  NNC Calabarzon  sa “Online Launching  ng E-Nutribun”  (o enhanced nutribun) ng DOST-FNRI.  Ito ay sinundan ng Tech-NEGOshow na kung saan mayroong tatlong (3) magkakasabay na online negotiations para sa mga potensyal na distributors ng e-nutribun. Ang mga ito ay ang Century Pacific Food Inc., Nutridense Food Manufacturing Corporation, at Aretei Foods Corporation) ng Enhanced Nutribun.

Sa ngayon, ang DSWD Calabarzon ay inaasahang mamamahagi ng enhanced nutribun o e-nutribun sa kanilang mga supplementary feeding programs at healthy food packs. Maging ang DepEd Calabarzon ay inaasahan ring mamimigay ng e-nutribun sa mga paaralan kasabay ng mga study modules. Samantala, inaanyayahan pa rin ng NNC Calabarzon ang ibang  mga pribadong sektor upang tulungan ang ating mga kababayan sa Calabarzon sa pamamagitan ng paggawa at pamamahagi ng e-nutribuns.

Ipinahayag ni dating Director Mario V. Capanzana, ng FNRI-DOST (sa isang panayam ng Philippine News Agency) na “Kailangan lamang daw sumailalam sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang mga kumpanyang gagawa at mamamahagi ng e-nutribun. Sa pamamagitan nito, masisigurado na sumusunod sa standards ang mga naturang kumpanya.”

Ayon pa kay Director Capanzana, “Ang e-nutribun ay mas pinasarap at mas pinasustansyang pormulasyon ng nutribun at hindi isang pangkaraniwang tinapay lamang. Ito ay nagtataglay ng Vitamin A, Iron, at Iodine mula sa natural ingredients, at mayroong 500 kilocalories kada piraso.”

Siguradong  tatangkilikin ang nutribun,  hindi lamang ng mga benepisyaryo kundi pati ng mga konsyumer. Mas magiging laganap  ito sa karamihan  dahil hindi lamang ang mga pampublikong ahensiya tulad ng DSWD Calabarzon ang maaaring mamahagi ng naturang tinapay, kundi pati na rin ang mga pribadong ahensya at kumpanya ay maaaring gumawa nito for commercial use.

Isinulat ni: Zarah Clarice T. Megino, RND