QUEZON CITY, 16 December – Mayroon nang siyam na adoptors ang Enhanced Nutribun o E-Nutribun sa CaLaBaRZon, ngunit inaanyayahan pa rin ng NNC Calabarzon ang iba’t ibang mga pribadong sektor upang tulungan ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagiging isa sa mga accredited adoptors ng E-Nutribuns. Sa paraang ito, mas magiging abot-kamay ng mas nakakaraming mamamayan ng rehiyon ang pinasustansyang tinapay.
Ito ang siyam na accredited adoptors ng E-Nutribun sa rehiyon: 1) Sa Probinsya ng Batangas, ang San Jose Workers MPC at Panaderia Pantoja; 2) Sa Probinsya ng Laguna, ang Swisspharma Research Laboratories, Inc., Gem See’s Cakeshop, at Golden Wheat Bakery; 3) Sa Probinsya ng Cavite, ang MRG Food Products o ang Malou’s Bakery at and Amira’s Buco Tart Haus; at 4) Sa Probinsya ng Rizal at Quezon ang Momilo Mio Food Ventures at LGU-Mauban.
Nangunguna sa pamamahagi ng E-Nutribun ang DSWD Calabarzon para sa kanilang “supplementary feeding programs” at “healthy food packs” at ng DepEd Calabarzon para sa mga estudyante sa mga paaralan.
Para sa mga kababayan natin na gustong maging isa sa mga accredited adoptors, i-kontak lamang ang pinakamalapit na DOST Provincial Science and Technology Center (PSTC). Makikita rin ang ibang detalye sa website ng DOST PSTC.
Kamakailan lamang ay nailathala sa balita ng National Nutrition Council Calabarzon Official Website ang “soft-launching” ng E-Nutribun kung saan opisyal na inanunsyo sa buong Pilipinas ang pagbuo ng mas pinasustansya at mas pinasarap na E-Nutribun. Sinundan ito ng balita tungkol sa pagiging accredited adoptors ng E-Nutribun.
Sa pagbabalik ng “nutribun,” ang pinasustansyang tinapay na ginawa sa pangunguna ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), inaasahang matutulungan ang mas maraming kabataan sa kanilang mga pangangailangan sa nutrisyon.
Isinulat ni: Zarah Clarice T. Megino