MENU

asin 2021 1

QUEZON CITY, 29 Enero- Sa panahon ng “Goiter Awareness Week,”   pinaunlakan ng NNC Calabarzon  ang imbitasyon ng DZJV 1458 RADYO Calabarzon upang magbigay ng  kaalaman sa paksang “Goiter Sugpuin, Isip Patalinuhin, Iodized Salt, Gamitin.”

Sa pamamagitan ni Ms. Jhonnadelle Ritz Castillo, ECCD-F1K Provincial Nutrition Coordinator ng Quezon at Rizal, tinalakay  ang ilang mga katanungan at mga pamantayang itinakda ng DOH sa pag gamit ng asin.

Pinaliwanag sa talakayan na  ang  asin ay dapat naglalaman ng 30-70 ppm ng iodine, at malalaman  na sapat ang iodine sa nabiling asin sa pamamagitan ng paghahanap ng “Saktong Iodine sa Asin (SISA)” seal sa pakete.

Idinagdag pa ni Ms. Castillo, na sa kasalukuyan ay may  10 siyudad at  35 na  munisipyo sa rehiyon ng Calabarzon ang nakapag bigay  ng salt samples sa NNC Calabarzon upang ang mga ito ay masuri. Napag alaman  na 44 porsyento ng  mga salt samples ay hindi umabot sa standard na itinakda ng DOH na 30-70 parts per million (ppm) ng iodine sa asin. Nakatakdang gawan ng aksyon ng Regional Bantay Asin Task Force ang isyung ito base sa pinakahuling pagpupulong nito.

Sa mga nais magpasuri ng salt samples,  mayroong nakatalagang mga local na  Bantay Asin Task Force (BATF) sa mga probinsya ng Batangas, Dasmarinas City, Cabuyao City, Bacoor City, at Taytay, Rizal. Maaari din magpadala ng mga samples  sa nakatalagang Regional Bantay Asin Task Force (RBATF)  ng  NNC.

Ibinahagi pa ni Ms. Castillo na para sa mga lalabag sa RA 8172 or “ASIN Law,” makakatanggap sila ng warning sa unang pagkakataon. Sa pangalawang pag labag ay maaari silang  magmulta ng mula isang libo hanggang isang daang libong piso (1,000 PHP – 100,000 PHP). Maaari din  bawiin ang business permit at maaring ma ban sa paggawa ng asin, sa pangatlong paglabag.

Ang susunod na hakbang ng NNC Calabarzon ay ang paghikayat  sa  mga lokal na pamahalaan  na magtalaga ng mga local BATF upang dumami pa ang nag babantay at nagsusuri ng mga asin na ginagawa at ibinebenta sa ibat-ibang parte ng rehiyon.

Isa pang mahalagang paalala  mula sa NNC–Calabarzon, ay ang  ugaliing hanapin ang “SISA Seal” sa mga binibiling asin upang masiguro na  ang nabiling asin ay may tamang iodine,  at upang makaiwas sa mga  Iodine Deficiency Disorders (IDD), at goiter.

Napaka halaga ng papel ng NNC Calabarzon sa patuloy na  pagpapatupad ng  “National Salt Iodization Program (NSIP)” na pinamumunuan ng DOH. Ang layunin ng programa ay ang pagkakaroon ng standard procedure sa implementasyon nito mula sa regional hanggang sa provincial/city/municipal level. Sa pamamagitan nito, mababantayan din ang mga pumapasok, lumalabas, gumagawa at ibinebentang asin sa rehiyon.

By: Darrenz William M. Mateos