Ang roll out ng Nutrition in Emergencies and Information Management (NiE-IM) Training ay isinusulong na sa lungsod ng Calamba upang maging handa ang buong mamamayan nito laban sa mga kalamidad na madalas nilang maranasan.
Ang roll-out ng training ay ipapatupad sa 54 barangays, at ito ay inaasahang matapos sa loob ng tatlong taon o sa 2024. Kaya naman, mga 15 barangays ang target na turuan kada taon.
Upang mapabilis ang pag roll out ng mga training, tuluy-tuloy na serbisyo ang ginagawa ng City Nutrition Action Officer (CNAO) na si Ms. Aleli Catalina Y. Jimenez.
Ayon sa maiksing panayam kay Ms. Jimenez, nagsimula sila ng training sa Barangay Uno noong buwan ng Enero. Dagdag pa niya, inaasahan nila na sa third quarter ng taong 2021 maaaprubahan ang badyet para sa NiE-IM.
Ang nasabing training ay binubuo ng hindi bababa sa limang miyembro ng Barangay Nutrition Council (BNC) kasama na ang mga Kapitan at mga Barangay Nutrition Scholars (BNS).
Inuumpisahan ang training sa pagtuturo ng data profiling upang matukoy ang mga vulnerable groups. Makukuha ang mga datos mula sa OPT Plus.
Bukod pa rito, tinuruan din ang mga kalahok kung papaano gumamit ng MUAC (Mid-Upper Arm Circumference) tape upang matukoy ang nutritional status ng mga nasalanta tuwing may kalamidad. Ito ay isa sa dapat gawin kasama ng NINA form o Nutritional Initial Needs Assessment sa loob ng 24-72 nang magsimula ang emergency o sakuna. Sa tulong nito, malalaman ang paunang pangangailangan sa isang evacuation site.
Isa pa, kasama sa training ang mga dapat gawin o precautionary measures kung sakaling makaranas ng pagputok ng bulkan, at kung ano ang mga dapat gawin sa evacuation centers tulad ng pagkakaroon ng lactation room at pagkakaroon ng IEC (Information, Education and Communication) materials ukol sa breastfeeding o pagpapasuso, at iba pa. Isinasabay din ang activation at orientation para sa mga BNS.
Sa gitna ng tuloy teloi na pagsulong ng mga training, inaanyayahan ng NNC Calabarzon ang lahat ng mamamayan sa rehiyon na maging handa at mapagmatyag laban sa sakuna at anumang kalamidad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tamang kaalaman at kahandaan.
Isinulat ni: Zarah Clarice T. Megino