Bilang isa sa hakbang ng pamahalaan upang tuluyang maprotektahan ang mga mamamayan laban sa COVID-19 ay ang pagbabakuna. Ang mga bakuna ay nakikipagtulungan sa natural na mga depensa ng iyong katawan upang ang iyong katawan ay magiging handa upang labanan ang virus, kung ikaw ay nalantad sa COVID-19. Ito ay maaaring makatulong para maiwasan ang pagdami ng kaso sa bansa para tuluyan na magkaroon ng wakas ang pandemyang ito.
Ayon sa mga eksperto, ang pagkakaroon ng COVID-19 na bakuna ay maaaring tumulong para maiwasan ang pagkakaroon ng seryosong sakit kahit pa ikaw ay magkaroon ng COVID-19. Ang mga bakunang ito ay hindi makakapagbigay sa iyo ng mismong sakit.
Sa pagtanggap ng bakuna, may ilang side effects itong dulot gaya ng pangingirot ng mga kalamnan, pagkahilo, pagkapagod, o kaunting lagnat. Ang mga reaksyong ito ay nangangahulugang kumikilos ang bakuna para tulungang turuan ang iyong katawan kung paano labanan ang COVID-19. Upang maiwasan ang moderate to severe side effects na dulot ng bakuna, kailangan ihanda ang ating katawan at panatilihing regulated ang ating immune system sa pamamagitan ng wastong nutrisyon upang maging maayos ang immune response sa bakuna.
Ayon sa World Health Organization, maraming kadahilanan ang nagdulot sa pagtaas ng kaso sa bansa tulad ng population size, testing capacity at healthcare system capacity. Natukoy din na hindi lamang ang Pilipinas ang tanging bansa na nagkaroon ng makabuluhang pagtaaas ng COVID-19 cases dahil sa tatlong variant na narito ngayon sa bansa.
Kaya naman isang paalala at pabatid mula sa National Nutrition Council Calabarzon ang importansya ng pagpapalalakas ng resistensya at pagpapanatili ng wastong nutrisyon sa gitna ng muling pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa matapos ang isang taon mula ng paglaban dito noong 2020. Bukod pa dito, hinihikayat din na ang partisipasyon ng publiko sa mga gawain ng National Government para mapabilis ang pagsugpo sa nakakamamatay na virus.
Inirerekomenda ng National Nutrition Council ang pagkonsumo ng mga pagkaing makakapagpalakas ng immune system tulad ng whole foods o mga pagkaing hindi naproseso tulad ng kamote, patatas, mais, brown/black rice, at mga starchy vegetables. Kasama na din ang mga pagkaing mayaman sa Vitamins A at C, tulad ng mga gulay na karot, kalabasa, at bellpepper, madadahong gulay tulad ng malunggay, talbos ng kamote at kangkong; mga prutas tulad ng papaya, dalandan, bayabas, mangga, saging at melon. Mga pagkaing mayaman sa Vitamin E at D ay makukuha naman sa mga butong gulay, mani, vegetable oil, margarine, isda at gatas. Bukod pa dito importante din ang Vitamin B at Zinc na makukuha sa karne at milk products para sa mas pinalakas na resistensya.
Laging tandan ang Kumainment #1 na nagsasabing – “Kumain ng iba't-ibang pagkain.”
Para siguradong makakuha ng iba’t ibang bitamina at mineral sa pagkain at maihanda ang iyong katawan sa pagtanggap ng COVID-19 Vaccine bilang karagdagang sandata sa paglaban sa sakit na ito para sa ikauunlad na buong mamayanan at muling pagbangon ng ating bansa.
Isinulat ni: Kristine Joy E. Fedilo