Naging isang mabunga at mabiyayang talakayan ang naganap nang marinig ang kalalagayan ng ating mga kasamahang katutubo at Community Nutrition Implementers (CNI) sa ginanap na online “Focus Group Discussion (FGD)” o talakayan ukol sa “PMNP” o “KUMAIN Project” noong Abril 12 at 14 sa Probinsya ng Quezon.
Ang pagsasagawa ng FGD ng PMNP (o Philippine Multi-sectoral Nutrition Project) ay pinangunahan ng tagapagpadaloy na si Edward Paglinawan (NO II), sa gabay at tulong ni Ms. Carina Santiago, NNC Calabarzon RNPC.
Sa kabuuan, ang Project para sa taong 2022-2025 ay planong isagawa sa pamumuno ng DOH-NNC at DSWD, kasama ang DILG, DA, DOST-FNRI at Office of the Cabinet Secretary. Layunin ng nasabing proyekto ang palakasin ang mga programa na hindi lamang pang-nutrisyon, kundi mas malawak na pang-kalusugan, para sa mga lugar na may mataas na stunting rate at nutritionally-at-risk pregnant women.
Sinimulan ang FGD para sa “KUMAIN (o Kasapatan at Ugnayan ng Mamamayan sa Akmang Pagkain at Nutrisyon) Project” noong Abril 12, at ito ay nilahukan ng 16 na mga kapatid natin na IP leaders na mga pinuno mula sa grupo ng Dumagat-Remontado at Aeta na matatagpuan sa mga munisipyo ng Gen. Nakar at Buenavista.
Ang sumunod na FGD ay noong Abril 14 na nilahukan ng 14 na mga Community Nutrition Implementers mula sa mga napiling munisipyo ng Gen. Nakar, Candelaria at Jomalig; at mula sa opisina ng Provincial Nutrition Action Office ng Quezon; kabilang ang Municipal Nutrition Action Officers (MNAOs), Barangay Nutrition Scholars (BNS), Barangay Health Workers (BHWs), Child Development Workers (CDWs) and District Nutrition Program Coordinators (DNPCs).
Sa kalahatan, 30 katao ang dumalo sa FGD, kung saan ay siyam (9) ang kalalakihan at 21 ang kababaihan. Katuwang sa koordinasyon para sa FGD ay si G. Eddielito Sumangil, Planning Officer II mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) 4-A; at Tribal Governor ng Office of the Tribal Governance ng Lalawigan ng Quezon na si G. Ronnie Magtibay.
Sa FGD, idinokumento at inirecord ni Kristine Joy Fedilo (NO I) ang diskusyon upang malaman kung ano ang mga suliraning pang-kalusugan at pang-nutrisyon sa mga nabanggit na komunidad at upang makalikom ng mga suhestiyon at rekomendasyon para sa mga kalahok at benepisyaryo ng PMNP.
Ang FGD ay isinagawa sa pamamaraang ito:
- Panimula (pagpapatala, pagpapakilanlan sa FGD Team at mga kalahok, pambungad na pagbati mula kay Ms. Santiago)
- Pangkalahatang kaisipan ng PMNP o KUMAIN Project
- Layunin ng FGD
- Pagsasagawa ng FGD na binuo ng apat na parte.
- Ukol sa mga isyung pang-kalusugan at pangnutrisyon.
- Ukol sa pagtugon ng kalalakihan at kababaihan sa mga mahahalagang isyu.
- Ukol sa mga programa at proyektong pang-kalusugan at pang-nutrisyon
- Mga rekomendasyon.
Ang mga saloobin, kaisipan, suhestyon at rekomendasyon ng bawat isa ay tumahi sa mga katanungan mula sa tagapagpadaloy. Sa simula ay nahihiya ang mga katutubo, ngunit mas naging kampante na sila habang tumatagal ang usapan. Sa katunayan, hindi mapigilan ang kanilang mga pagbabahaginan na nagbigay saya sa FGD.
Ang mga nakalap na kasagutan mula sa mga kalahok ng FGD ay ginawan ng isang dokumentasyon na sinipi at tinasa ng NNC-CaLaBaRZon at ipinasa sa NNC Central office sa Nutrition Policy and Planning Division upang gamiting basehan sa pagsasagawa ng nasabing proyekto sa mga susunod na taon.
Inaasahang magiging matagumpay ang proyekto sa mga darating na taon dahil tunay nga na ang PMNP o KUMAIN Project ay isa sa mga dapat palaguin at abangan ng ating mga katuwang sa pangkalusugan at pangnutrisyon.
By: Edward C. Paglinawan