Sa gitna ng maraming paghamon ng pandemya, ang konsepto ng community pantry na “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan” ay naging inspirasyon ng iba’t ibang lalawigan sa Calabarzon -- upang makapag bahagi ng mga libreng gulay, prutas, bigas, de lata, itlog, face mask, alcohol at iba pa, sa kani kanilang mga komunidad batay sa pangangailangan.
Ang community pantry na ito ay nagpapakita ng likas na ugali ng Pilipino na makabayan, mapagmalasakit, mapagbigay at matulungin sa kapwa.
Maganda ang layunin na hatid ng community pantry lalo na sa pamimigay ng mga pagkain na siyang magbibigay sustansya sa bawat miyembro ng pamilya na kokonsumo nito. Maaaring gawing pinasustansya ang mga de lata na mukukuha rito sa pamamagitan ng pagdagdag ng gulay sa pagluto nito.
Kaya naman ang NNC Calabarzon ay sumusuporta sa mga inisyatibong layon mapa-igting ang lagay ng kalusugan at nutrisyon sa lalawigan. Ang kagutuman at malnutrisyon ay nanatiling problema na kinakaharap ng mga mamamayan ng Calabarzon lalung lalo na sa panahon ng pandemya.
Kabilang sa mga naunang nagtayo ng community pantry ay ang mga bayan ng Los Baños, Magdalena, Nagcarlan, Paete, San Pablo, Sta. Cruz at Victoria. Sumunod din ang mga bayan ng Gumaca, Tiaong at Lucena City sa lalawigan ng Quezon.
Sa bandang Cavite at sa bayan ng General Trias City, ang layon naman nila ng community pantry ay ang matulungan ang mga magsasaka sa kanilang lokalidad sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga ani. Bukod dito, may ilan pang binuksan na mga community pantry sa bayan ng Bacoor, Dasmariñas, Imus, Rosario, Gen. Emilio Aguinaldo, GMA, at Mendez.
Nagbukas din ng mga community pantry sa ilang bayan sa Batangas, kabilang na dito ang Batangas City, Lipa City, Ibaan, Balete, at Nasugbu.
Upang maipagpatuloy ang mga community pantry, hinihikayat ng mga pamunuan na magbigay ng mga donasyon ayon sa kakayahan. Ngunit may mahahalagang paalala para sa mga mamamayan sa gitna ng pagtutulungan.
Ayon kay Ana Patricia Non, ang bumuo ng inisyatibong Maginhawa Community Pantry (at nagmula sa Teacher’s Village East sa Quezon City), hindi sagot sa kagutuman o Hunger ang pagsasagawa nitong aktibidad, kundi hangaring makatulong sa mga kababayan na panandaliang maitawid ang kagutuman sa panahong ito.
Patuloy ang ahensya sa pagbuo ng mga programa na tutugon sa mga isyu para tuluyan na mabigyan ng wakas ang suliranin sa nutrisyon at pagkagutom. Dagdag pa dito, patuloy din ang pakikipagugnayan ng ahensiya sa mga lokal na pamahalaan sa Calabarzon para sa tuloy tuloy na pagsagawa ng mga serbisyong pang-nutrisyon at mabantayan ang seguridad ng pagkain sa kani-kanilang kinabibilangang lungsod.
Isinulat ni: Kristine Joy E. Fedilo