Ayon sa PAGASA, ang ‘init-factor’ na mararamdaman ng katawan ng tao kapag mas mataas ang air temperature kaysa body temperature, ay maaaring magdulot ng panganib. Kaya naman pinapa alalahanan ng NNC Calabarzon ang lahat na iwasan ang pagkakaroon ng heat cramps at heat exhaustion dulot ng tuloy-tuloy na nararanasang init na maaaring mauwi sa heat stroke.
Sa report ng Temperature Contour Map ng PAGASA, ang heat index sa Rehiyon ng Calabarzon ngayong buwan ng Mayo ay pumalo na sa 45°C. Kabilang din sa top 5 na maiinit na lugar ay ang Sangley Point, Cavite City na umabot sa 48°C noong Marso 18 at 19 at sa Infanta, Quezon noong Abril 2. Sa halos buong mainland ng Luzon, naglalaro na sa 34-53°C ang taas ng temperatura.
Maiiwasan ang heat stroke kung dadalasan ang pag-inom ng maraming tubig na hindi dapat bumaba sa 8-10 baso araw-araw. Kailangan bawasan din ang physical activities sa tanghali at hapon. At kapag mag-eehersisyo, uminom ng isang basong tubig kada 30 minuto upang maiwasan ang dehydration.
Higit sa lahat, tandaan ang Kumainment #6 mula sa NNC na nagsasabing “Tiyaking malinis at ligtas ang ating pagkain at tubig.”
Isinulat ni: Kristine Joy E. Fedilo
Source: DOST-PAGASA